Dukot sa bulsa, labas ng lighter, sindi ng sigarilyo. Si Tonyo, ordinaryong mag-aaral sa kolehiyo, laking probinsiya, nakipag-sapalaran sa Maynila para matisod ang magandang kinabukasan. Kasalukuyang nag-aaral si Tonyo sa PUP (Polytechnic University of the Philippines), estyudante sa umaga, empleyado sa gabi. Hindi sapat ang pinapadala ng kaniyang mga magulang para matustusan ang kaniyang pag-aaral. Kung kaya’t namasukan siya bilang service crew sa isang restaurant malapit sa boarding house kung saan siya pansamantalang nanunuluyan.
Sa tatlong taong pamamalagi ni Tonyo sa Maynila, marami na siyang nakilala, naging kaibigan, ang iba’y naging kaaway. Marami narin siyang naging karanasan, trobol, babae, bisyo, nadukutan o di kaya nama’y napag-tritripan. Sa kabila ng mga iyan, hindi naman niya napabayaan ang kaniyang pag-aaral. Ni minsan ay hindi siya lumagapak sa klase, ngunit kung minsan din nale-late dahil sa trabaho o di kaya’y absent. Sa katanuyan isa siya sa mga pinagpipilian na makatanggap ng “Graduation with Distinction” sa kaniyang nalalapit na pagtatapos sa susunod na taon. Ginagawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya, lahat ng sakripisyo upang hindi biguin ang kaniyang mga magulang at nang dumating naman ang araw na maipagmamalaki din siya ng mga ito at masabing “Anak namin yan!”.
Isang gabi habang nag-lalakad pauwi si Tonyo galing sa trabaho. Napansin niyang parang may sumusunod sa kaniya. Binilisan niya ang paglalakad, walang anu-ano’y biglang may tumapik sa kaniyang balikat at sinabing “Holdap to!, akin nang pag-ibig mo!” saba’y tawa.
Ana: Bilis mo maglakad ah!Hanep puwede ka na sa marathon! Hahaha! (hingal)
Tonyo: Gagu! Tinakot mo ‘ko! Ang lakas din ng trip mo eh no?!
Ana: Hahah. Kinabahan ka no? Hiningal ako dun ah, nagutom tuloy ako.. Tara kain tayo!
Tonyo: Sige tara! libre mo? (sabay ngisi)
Ana: Ulul! ‘kaw ‘tong me trabaho ako pa manlilibre, ‘kaw ah!
Tonyo: Ay! me assignment pa pala ako, kita na lang tayo bukas ah?! (sabay tawa)
Ana: Alam mo, ikaw lang ang tanging lalaking kilala ko na sintigas ng bato sa sobrang kuripot! ‘lika na nga ako na taya.
Tonyo: Yahooo! Bibigay ka rin eh, pakipot ka pa. Hahaha.
Ana: Gagu!
Matalik na magkaibigan sina Tonyo at Ana. Buhat ng lumipat si Tonyo sa boarding house kung ‘san nanu-nuluyan si Ana, ay naging magkaibigan na sila. Daig pa nila ang mga bata, para silang mga aso’t pusa kung mag-asaran, at kung minsan nama’y daig pa ang mag-siyota kung magharutan.’Di tulad ni Tonyo, mas maginhawa ang naging pamumuhay ni Ana. Hindi niya iniisip ang pambayad ng kaniyang renta, tuition o mga ibang bayarin sa eskuwela. Kaya madalas sa tuwing lumalabas ang dalawa si Ana ang laging taya pagdating sa kainan. Minsan din kapag kapos si Tonyo at sasapit na ang araw ng pagbabayad ng renta, si Ana na rin ang nagbabayad ng renta ni Tonyo. Madalas din silang mag-kausap sa cellphone, sa text, daig pa nila ang nag-cacall center. Madalas ding dumaan si Ana sa resto kung saan nagtratrabaho si Tonyo, at minsan nama’y sumusundo si Tonyo kay Ana pagkatapos ng eskuwela. Kaya hindi maiwasan na mag-isip ang mga tao sa paligid nila, lalo na ang iba nilang mga kaibigan na may relasyon ang dalawa.
Minsang nagtext si Ana kay Tonyo at nagya-yaya itong uminom.
(text ni)Ana: Tara shot tayo!
(text ni)Tonyo: Hoy! Adik! problema mo?!
(text ni)Ana: Wala, kung ayaw mo di wag!
(text ni)Tonyo: Sige, sige, relax ka lang diyan ok? Pagkatapos ng shift ko uwe na ‘ko kagad.
Hindi na nakatanggap ng reply si Tonyo pagkatapos nun. Natapos ang trabaho’t umuwi na siya kagad. Pumasok siya sa kuwarto ni Ana at nadatnan na niya itong umiinom mag-isa ng “always open. The Bar!” na strawberry flavor. Nilapag nito ang bag sa sahig at umupo sa tabi ni Ana. Habang nakasandal sa double-deck na kama sa loob ng kuwarto, napansin niya ang isang basyo ng bote ng alak na nakatumba sa sahig. Alam na niya na marami nang nainom ang kaibigan. Kaya kinuha nito ang basong tangan-tangan ni Ana’t binuhusan ng alak ang baso hangang sa makalahati ito, sabay tagay.
Tonyo: Ba’t ka naglalasing me problema ba?
Ana: Ba’t ba ang manhid-manhid niya? Hindi ba niya alam na mahal na mahal ko siya? (palasing na sabi ni Ana)
Tonyo: Ano ba pinagsasabi mo?! Binasted ka no? Hahaha (pangsusutil ni Tonyo)
Ana: Gagu! Pare, panget ba ako? (palasing na sabi ni Ana habang nakasandal ang ulo sa balikat ni Tonyo)
Tonyo: Hmmmn,ewan. Napagtitiyagaan pa naman kita kahit papano. (sabay tawa) Alam mo, itulog mo na yan. Masyadu nang marami nainom mo. Bukas mawawala din yan.
Ana: Ang gagu mo talaga kausap! Umalis ka na nga! Shooo!
Niligpit na ni Tonyo ang mga bote, nilgay sa mesa ang baso at inihiga na sa kama si Ana. Paalis na si Tonyo ng bigla itong hinawakan ni Ana sa kamay.
Ana: San ka pupunta? Aalis ka na? (malungkot at malamyang boses)
Tonyo: Oo, pina-paalis mo na ‘ko diba? Bukas na lang tayo magkita. Bangag ka kasi, mahirap na baka kung anu pa maisipan ko reypin pa kita. (sabay tawa)
Ana: Gagu…. dito ka lang. Dito ka na matulog, samahan mo ako… (malamyang pakiusap niya)
Tonyo: Are you blurred?! alam mo namang hindi puwede yun! Edi binungangaan nanaman ako ni Ate Linda niyan. Sige na. Itulog mo na yan.. Check na lang kita bukas ng umaga bago ako pumasok. Tulog na ha!
Ramdam ni Tonyo na me pinagdadaanan ang kaniyang kaibigan, ramdam niya ang lungkot sa boses at sa mga mata nito. Aktong bibitiw na si Tonyo nang biglang humigpit ang paghawak ni Ana sa kamay nito.
Ana: Dito ka lang…. please….. (pagmamaka-awa niya)
Halata sa boses at kinikilos ni Ana na lasing ito at wala na ring nagawa si Tonyo kundi ang samahan ang kaibigan.
Tonyo: Ok, sige na nga. Bahala na diyan! O’ siya, sige na, dito lang ako.
Ana: Halika dito…. tabihan mo ‘ko…. (pakiusap na me halong antok)
Tonyo: mmmmm! Sige na, umusod ka dun..
Tonyo: Konti pa, wala akong mapuwestuhan oh, laki laki kasi ng puwet eh! (sabay tapik sa puwet ni Ana)
Nakatihayang humiga si Tonyo sa tabi ni Ana, habang si Ana naman ay nakatalikod sa kaniya habang yakap-yakap ang maliit na unan’g kulay pink na regalo ni Tonyo nung birthday niya.
Madilim at tahimik ang silid, nararamadaman ni Tonyo ang antok ngunit kahit anung pilit niya’y hindi siya makatulog. Dalawampung minuto na ang nakalipas ngunit gising parin ito, hanggang sa..
Ana: Tonyo, nilalamig ako….
Tonyo: Gusto mo patayin ko yung electric fan?
Ana: Hindi…. yakapin mo ako…
Tonyo: Ha??! O…. o- -sige…
Tumagilid si Tonyo ng higa paharap sa likod ni Ana, at niyakap niya ito. Humawak ng mahigpit si Ana sa kamay ni Tonyo. Hindi maintindihan ni Tonyo ang kaniyang nararamdaman, pakiramdam niya’y parang ito ang unang beses siyang sisiping sa isang babae. Mabilis ang tibok ng puso ni Tonyo, ganun din ang dalaga. Pati pag-hinga ng dalawa ay biglang lumalim. Isang boses ang bumasag sa katahimikan ng silid..
Ana: Tonyo….
Tonyo: mmmmm… (pa-antok na sabi)
Ana: Mahal mo ba ako?
Tonyo: Huh?? san mo naman pinag-kukuha yang mga tanong mo?!
Ana: Basta, sagutin mo na lang….
Tonyo: Siempre naman….. – – – Hindi (sabay tawa)
Ana: Ang tino mo talaga kausap kahit kelan, seryoso na kasi…. ano?
Tonyo: Siempre naman, kaibigan kita eh…
Tonyo: Bakit ba? anong meron dun?
Ana: Wala lang, big lang pumasok sa isip ko..
Tonyo: Asus… kunwari pa ‘to! Aminin mo na kasi, me crush ka sa’ken noh? (sabay tawa) Siguro minsan, pinag-nanasahan mo ko? Hahaha
Ana: Ulul! Gagu! ‘di noh! kapal ng peslak neto!
Tonyo: HAHAHA! Uyyyyy… hahahaha!
…………..
Ana: Madalas kasi ako tanungin ng mga kaklase ko kung boyfriend ba kita, madalas kasi nila tayo makitang magkasama..
Natahimik si Tonyo nang marinig niya iyon kay Ana. Alam niya na me gustong ipahiwatig si Ana sa mga tanong niya. Hindi siya manhid para hindi niya iyon maramdaman, subalit nililigaw lamang ni Tonyo ang usapan sa pamamagitan ng mga pabiro niyang sagot. Alam niya sa loob-loob niya na may lihim din siyang nararamdaman para kay Ana. Subalit pilit niya itong tinatago’t nilalabanan. Dahil alam niyang hindi iyon makakabuti sa kung anung meron sila sa kasalukuyan.
Ana: Huy!
Tonyo: Oh…?
Ana: Natahimik ka diyan?
Tonyo: Ahhh.. hehehe. wala… yaan mo yung mga yun, inggit lang sila kasi guwapo yung bespren mo.. (sabay tawa)
Tonyo: Tara tulog na tayo… maaga pa pasok ko bukas..
Natigil ang usapan nang dalawa, mas lalong humigpit ang yakap ni Tonyo at sumubsob sa likuran ni Ana. Kinabukasan gumising si Ana, napansin niyang wala na si Tonyo sa tabi niya.
Ana: Bastos talaga yun! ‘di man lang nag-paalam (bulong niya sa kaniyang sarili)
Marahang bumaba si Ana sa kama dahil me hangover pa siya sa ininom niyang alak kagabi. Habang pababa sa kama si Ana, me nakapa siyang isang maliit na papel sa ilalim ng unan na hinigaan ni Tonyo. Isang maikling liham para sa kaniya.
“Pasensya ka na kung hindi na kita ginising bago ako umalis. Himbing kasi ng tulog mo, naka-nganga ka pa. hahaha. Tungkol dun sa tanong mo kagabi, alam mo na kung anu sagot dun. Sa tinagal-tagal ba naman nating magkasama eh imposibleng hindi mo maramdaman yun. Huwag ka nang mag-lalasing ulet ha? Hindi mo bagay, hehehe. Basta lagi lang akong nandito ha, kaw pa! eh labs kita! Naka naman daw yun oh! O’ siya sige na, wala nang espasyo eh. Hindi dahil pinili kong maging kaibigan mo, ibig sabihin nun hindi na kita mahal. Pinili ko lang kung san tayo mas tatagal. Mahal kita sa paraang alam ko, at patuloy kitang mamahalin sa paraang tanging ako lamang ang nakakaalam…– Tonyo”
Pumatak ang mga luhang may ngiti. Nabasa ang papel, kumalat ang tinta subalit ang nilalaman nito… kailanma’y hindi mawawala….