Si Jessie J, Ariana Grande at Nicki Minaj

“Taaak’boooo! Andiyan na mga parak ‘tol!!!”, parang eksena sa pelikula na naghahabulan ang mga pulis at isang grupo nang mga binata na nagpapalitan ng putok. Habang sinasabayan naman ng pagkislap ng mga makukulay na ilaw mula sa mga nakasabit na parol ang animoy kuwitis sa bawat pagkalabit ng gatilyo. “Putang ina Jepoy! Taran na!!!”, “Tol, pucha may tama si Pong! Hindi natin siya puwedeng iwan dito”. “Alam ko!!! Pero kapag hindi pa tayo umalis, tayo ang mayayari!. Pangako, babalikan natin siya”. Tangan-tangan ni Jepoy ang ulo ni Pong  na may tama sa likod na tumagos sa kaniyang kaliwang dibdib. Hinila pababa ni Pong ang ulo ni Jepoy at may ibinulong. Pagkatapos ay inilapag ni Jepoy nang dahan-dahan ang ulo ni Pong at iginilid ang agaw buhay na katawan nito sa ilalim ng overpass sa may Mindanao Ave. “Tang-ina, tang-ina, tol.. tang-ina… Babalikan ka namin ‘tol, antayin mo kami” habol ang hininga ni Jepoy habang ibinibulong sa sarili na babalikan ang kaibigan. Takbo, suot dito – suot doon, talon. Madilim subalit kabisado ni Jepoy ang pasikut-sikot sa eskinitang tumatagos mula Mindanao Ave palabas ng Tandang Sora. “tol, babalik ako…”.

“Huy! Natutulala ka nanaman diyan”, tinabig ng siko ni Nicole ang braso ni Jepoy habang lulan ng dyip papuntang Fairview. “Hah? e.., wala, may naalala lang ako”, “ Si Pong?”, “Oo, pasensiya ka na. Hindi lang talaga kasi mawala-wala sa isipan ko yung nangyari nung gabing ‘yon”. “Okay, lang, naintindihan ko. Manong sa may overpass lang.” “Sag’let lang Miss, dito tayo sa silong, di puwede sa ibabaw eh”, tawanan ang mga tao sa loob ng dyip. Pati si Jepoy napatawa ng tipid sa sinabi ng driver ng dyip. Bumaba nang dyip ang dalawa. “Gago yung drayber na yun ah!”, pagmumuryot ng dalaga. Naka-ngisi lang si Jepoy subalit habang papaakyat ng overpass, ay hindi na nito napigilan ang kaniyang tawa. “Ulol! Isa ka pa!”, hagalpak si Jepoy na namumula at hindi na kita ang mata sa katatawa. “Hahahaha! eh, may  punto naman si mamang drayber babe. hihihi”, sapo ni Jepoy ang tiyan habang tumatawa at nakatingin lang kay Nicole. “Gago! Magsama kayo nung mamang driver nay un! Hmpf! ”, padabog na naglakad patawid ng Tandang Sora si Nicole. “Huuuuy, sandali lang-hahahaha”, hindi parin mapigilan ni Jepoy ang tawa dahil sa pagmumuryot ng dalaga.

Naglalakad si Jepoy palabas ng eskinita para bumili ng ulam para sa hapunan nang matanaw niya mula sa malayo ang liwanag mula sa hinihithit na sigarilyo. Tanging anino lamang ang nakikita ni Jepoy mula sa kaniyang kinatatyuan at hindi niya mamukhaan kung sino ang nakaharang sa kaniyang daraanan. Madilim at mediyo mahaba-haba ang lagusan ng eskinitang tatahakin. “Pucha, wala nang atrasan ‘to”, marahan na inilabas ni Jepoy ang dagger mula sa kaniyang kanang bulsa, mahigpit na hinawakan at nagsimula nang maglakad. Patuloy parin sa paghithit ang kung sino mang nakaharang sa daraanan ni Jepoy. Habang papalapit ay lalong humihigpit ang hawak ni Jepoy sa patalim na sinasabayan nang malalim na paghinga. Aminado si Jepoy sa kaniyang sarili na kinakabahan siya nang mga oras na iyon.

Namatay ang ilaw mula sa sigarilyo na nagisislbing gamu-gamo sa madilim na eskinita at ang anino mula rito ay naglaho rin. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ni Jepoy, maya-maya’y may tumapik sa balikat niya. Mabilis ang reaksiyon ng katawan ni Jepoy. Hinila niya ang kamay na tumapik sa kaniyang balikat at ipinasandal sa pader ang lalaking nagmamay-ari nito habang mariin na nakatutok ang patalim sa leeg ng lalaki. “Teka, teka muna sandali…”, pamilyar ang boses nang lalaki, . “Putang ina Jepoy! Tara na!!!”   “Makoy?..”, hindi parin ibinababa ni Jepoy mula sa pagkakatutok ang patalim kay Makoy. Parang nabuhusan ng malamig na tubig nang mga sandaling iyon si Jepoy. Marahang ibinababa ni Makoy ang patalim mula sa pagkakatutok sa kaniya, nang parang biglang bumalik sa ulirat si Jepoy at muling itinutok ang patalim kay Makoy.

“Okay lang mga tsong…”, habang nakataas ang kamay ni Makoy na para bang sinisenyasan ang mga bata nito na papalapit sa kanila. Hindi napansin ni Jepoy na may lalaki pa lang naka-abang sa magkabilang gilid niya. “Easy, ka lang ‘tol… ganiyan mo ba batiin ang balik-bayan mong kaibigan?”, habang tinatapik ang balikat ni Jepoy. Padabog na ibinaba ni Jepoy ang patalim at pabuntong hiningang tumalikod. “Bakit ka pa bumalik?”, mararamdaman mo sa boses ni Jepoy ang mangiyak ngiyak na gigil dahil sa galit. “E ano pa, edi namiss ka!”, “Putaaang inaaa! Sampong taon ako sa kulungan ni ha, ni ho wala akong narinig sa’yo! Tapos sasabihin mo ‘yan sa’kin, ginagago mo ba ako??!!” nakasakal ang kaliwang kamay ni Jepoy kay Makoy at uundayan na ito ng saksak. “Pucha!!! naman Jepoy!!! Pare-pareho tayong maiinit sa parak nung mga panahong iyon!!!”, “E yung, partehan?!!, dinobol-kros mo kami Makoy, kahit na yung parte na lang sana ni Pong ang ibinigay mo para nabigyan nang maayos na libing yung tao. Pero anong ginawa mo??! Pati ‘yun itinakbo mo!! Tang-ina ka!!!”.

“Yung parte ni Pong, ibinigay ko sa Nanay niya”. “Tang-ina!!! huwang mo akong ginagago. Nakausap ko yung nakababatang kapatid ni Pong habang nasa loob ako, hindi nila matubos-tubos yung bangkay nung tao dahil wala silang pambayad!!”. “Labas na ako dun pre, basta ibinigay ko yung parte ni Pong. Sa katunayan nga niyan. Naparito ako para ibigay yung sa’yo.”, may hinugot na sobre mula sa bulsa si Makoy at iniabot kay Jepoy. Tinignan ni Jepoy ang sobre. “Ito…kunin mo na…”, nakatingin lang si Jepoy sa sobre. “Sige na….”, kinuha ni Makoy ang kamay ni Jepoy at pilit na ipinahawak ang sobre. “Nabalitaan ko ang nangyari sa’yo kaya, dinagdagan ko yan. Hindi na ako gaya nang dati, hindi na puro pawnshop o pipitsuging restorant ang tinitira ko ngayon at mayrooon na rin akong mga koneksiyon”, pag-mamayabang nito. Magkaharap ang dalawa at nanatiling nakatitig parin si Jepoy sa sobre, ngilid ang luha sa kaniyang mga mata, “tol, babalik ako…”. “Kailangan ko nang tao, at ikaw ang una kong naisip. Hindi ko akalain na dito sa bulok na lugar parin kita matatagpuan”, ani Makoy.

“Tinalikuran ko na ang gawaing ‘yan. Pinagbayaran ko na rin sa loob ang mga nagawa kong kasalanan noon. Mula nung gabing iyon, ipinangako ko sa sarili ko na hindi ko na muling babalikan pa ang dati kong buhay”, sagot ni Jepoy. “Tol, malaking isda ‘to. Minsan lang dumating ang mga ganitong pagkakataon. Malaking pera ‘to Jepoy. Sumama ka lang, pagkatapos ng lakad na ‘to, hindi na kita muling gagambalain pa.” panghihimok ni Makoy. “Hindi mo ba ako narinig?!! Hindi na ako yung dating Jepoy! Kaya ang mabuti pa umalis na kayo!!”, napabuntong hininga si Makoy at nag umpisa nang maglakad palabas ng eskinita. Nagsindi ito ng sigarilyo at huminto, “Nakasulat sa sobre ang numero ko. Kung sakaling magbago ang isip mo, alam mo kung saan ako kokontakin. Pag-isipan mo… “.

Naiwang nakatayo si Jepoy sa may eskinita. Hawak ang sobre at patalim na para bang si Lando’ng nag aabang sa dilim. Umuwi si Jepoy bitbit ang sobre, sinalubong siya ni Nicole. “Oh, akala ko natabunan ka na sa karinderya eh??”, “Nasa’n ang ulam?!”. “Si Makoy…”, bulong ni Jepoy. “Ano?”, “Si Makoy… nagbalik si Makoy” paglilinaw ni Jepoy. Doon napansin ni Nicole ang sobreng dala ni Jepoy at ang patalim na hawak nito sa kanang kamay. “Ano??! Ba’t hawak mo yang kutsilyo mo, nag pang abot ba kayong dalawa??”, “Oo…”. Niyakap ni Nicole si Jepoy na para bang tulala, at hinawakan sa mukha, chineck kung may tama ba ito sa katawan. “Oh, Diyos ko, salamat naman at hindi ka napaano”. “Anong nangyari? Tiyaka ba’t may dala kang sobre?”. “Ako ang unang umatake, mabuti na lamang at kalmado ang bawat sagot niya sa akin. Kung hindi baka ako ang headline sa diyaryo bukas”, pagkukuwento ni Jepoy. “E yang, sobre?”, “Parte ko daw sa huli naming trabaho. Inalok din niya ako ng trabaho, niyayaya niya akong bumalik sa dati naming Gawain. Iba na siya Nicole. Parang hindi na siya yung Makoy na kilala ko dati.”, paliwanag ni Jepoy. Kinuha ni Nicole ang patalim at mahigpit na niyakap si Jepoy.

“Oh, sa’n ka pupunta?” tanong ni Nicole kay Jepoy na papalabas ng bahay. “Sa Antipolo”, “Ha?!”, “Pupuntahan ko sila Nanay Mameng para ibigay ‘tong sobre..”, “Hindi ka ba muna mag aalmusal?”, “Okay lang, busog pa ako”, sagot ni Jepoy. “Nanay Mameng…! Na’y Mameng……Na’y Mameng…….!”, “Anak, wala sila Mameng diyan ngay-on…”, sambit nang matandang babae. “Ho? E…, nasan ho sila Nanay?”, “Nasa ospital sa may bayan, isinugod yung bunsong anak niyang lalaki. Teka, ano bang sadiya mo iho?”, tanong ng matanda. Hindi na nakasagot si Jepoy, dali-dali itong lumabas papuntang paradahan ng tricycle at nagtungo sa ospital.

“Na’y Mameng! Ano hong nangyari? Kamusta po si Tep-tep?”, “Mabuti naman at nandito ka Jepoy… Hindi ko alam ang gagawin ko, umuwi na lang siyang namumutla at nagsusuka.. hindi ko alam ang gagawin, kung nabubuhay lang sana si Pong”, mangiyak-ngiyak na sabi ng matanda. Niyakap ni Jepoy ang ina ni Pong. “Huwag na ho kayong mag-alala, andito na  po ako. Antayin na lamang po natin kung anong findings ng doctor”, habang nakatingin sa nahihimbing na bata. Makalipas ang tatlong oras ay dumating ang doktor. “Nay, kayo ho ba ang kamag-anak ng pasyente?”, sabay na tumayo sina Nanay Mameng at Jepoy, “Ako ho ang Nanay niya..”, sagot ng matanda. “Hindi na ho ako magpapaliguy-ligoy pa, kailangan ho ng operasyon ng anak ninyo. Bumagsak ho pareho ang kidney niya. Kakailanganin ho niya ng kidney transplant sa lalong madaling panahon”, napahagul-gol ang pobreng matanda. “Magkano ho ang kakailanganin Dok?”, tanong ni Jepoy sa doktor. “Kakailanganin muna nating magsagawa ng mga tests bago ang surgery at kung hindi na talaga kakayanin ng kidneys ng bata dahil sa total malfunction, mag a-undergo siya ng dialysis at kailangan din nating mag hanap ng kidney na mag ma-match sa…..”, “So, magkano nga ho dok?”, pamumutol ni Jepoy sa pag papaliwanag ng doktor. “More or less five hundred thousand pesos para makumpleto ang procedure”, hinugot ni Jepoy ang sobre mula sa likod na bulsa ng kaniyang pantalon at binilang ang laman nito. “Isang daang libo….? Saan ako kukuha ng perang pandagdag”, bulong niya sa sarili. Habang ang doktor ay patuloy parin sa pagpapaliwang, “Pero hindi ibig sabihin nun ay sigurado ang tuluyang pag-galing ng pasyente pagkatapos ng transplant. Oobserbahan muna siya after 48hrs, para malaman kung tuluyan bang tatanggapin ng katawan niya ang bagong kidney. Maaari kasing i-reject ng katawan ang bagong kidney kahit na successful ang paglalagay nito. Kung sakaling matagumpay ang operasyon, mag papatuloy sa medikasyon ang pasyente…….”, patuloy sa pag sasalita ang doktor, subalit si Jepoy ay nananatiling nakatitig sa sobre at sa laman nito. “’Tol si Tep-tep, ikaw na ang bahala sa kapatid ko…” ang mga huling salitang narinig niya mula sa matalik na kaibigang si Pong ang nagbabalik sa kaniyang ala-ala nung mga oras na iyon.

“Hello?”, “Makoy?”, “Sino ‘to?”, “Si Jepoy, magkita tayo sa may lumang istasyon ng bus mamayang gabi ng alas siete”. Hindi na  inantay ni Jepoy ang isasagot ni Makoy. Alam nitong sisipot ito sa usapan. Umuwi si Jepoy sa kanila, naglabas ng maleta at inilabas ang kahong akala niya’y hindi na niya muling magagamit pa. Nag-iwan siya ng sulat para kay Nicole at sinabihang umuwi muna sa kanila sa Bicol. Sumapit ang alas siete, nag-aabang na sa may tarangkahan si Jepoy. Maya-maya may pumaradang L-300 van sa harapan niya at bumaba ang tinted na salamin sa unahang bahagi ng sasakyan. Nagbukas ang pinto, “Jepoy! tara na…”, hinithit muna ni Jepoy ang papaubos na sigarilyo tiyaka sumunod kay Makoy.

Halos isang oras din ang lumipas at sa wakas huminto na rin ang sasakyan. Bumaba ang lahat ng sakay nito, kasama si Jepoy. Tago ang lugar at gaya nang inaasahan sa isang lumang bodega ang nagsisilbing lungga ng mga kawatan. Pagpasok sa bodega ay sumalubong sa kanila ang iba pang kasamahan ni Makoy. Malaki-laki ang grupo nito, at mukhang hindi na nga siya tulad ng dati. Grupo-grupo kung kumilos ang mga bata ni Makoy, mayroong sinasalansan ang mga smuggled na baril sa kahon, may nag re-repack ng shabu, may nag-iinuman sa tabi, may mga nagsusugal at ang iba naman ay tumitira ng bato. Pati human trafficking ni linya na rin ni Makoy. Nagulat si Jepoy nang makita niyang may pumaradang dalawang van at nag-baba ng mga bata. Mga batang babe at lalaki na nasa 7 hanggang 12 taong gulang. Pina linya at pinalakad papunta sa malayong bahagi ng bodega. Big shot na nga talaga itong si Makoy sa isip-isip ni Jepoy.

“Oh! Jepoy!”, naghagis si Makoy ng beer at agad namang sinalo ni Jepoy. “Ano ba yung trabahong sinasabi mo? at kelan?”, tanong ni Jepoy. “Teka, masyado atang mainit ‘tong bagong aso mo Makoy”,  sabi nang isang lalaki na naka leather jacket na itim, mahaba ang buhok, matipuno ang pangangatawan at tinignan nang masama si Jepoy habang naglalakad papunta sa harapan nito. “Siya nga pala, Jepoy, si Nico, kasosyo ko sa negosyo. Si Jepoy, kababata ko”, pagpapakilala ni Makoy sa dalawa. “Ikaw pala si Jepoy, balita ko mabilis ka daw..ah…, sa pagtakbo”, sabay tawanan yung mga bata ni Makoy habang nakangiting-aso ang kumag. “Oo, aso kasi ‘ko ni Makoy nuon. Ako rin ang kumakagat sa mga taong gusto niyang ipatira. Yung huling taong ipinatumba niya sa’ken. Madaldal din, kagaya mo”, at nagkatitigan ng masama ang dalawa.  “Aba!, matigas ‘tong alaga mo ah. Baka gusto mo ito nang maging huling hantungan mo?!!! Tarantado ka ah!!!”, bubunot na ng baril si Nico, subalit mabilis si Jepoy. Naibato na niya ang dagger na kanina pa hawak, bago pa man mabunot ni Nico ang kaniyang baril. Tumama ito sa kanang bahagi ng jacket ni Nico kung saan naroon ang baril at tumagos sa kahong nasa likuran nito. Bubunutin na sana ni Nico ang baril, subalit mabilis siyang napigilan ni Makoy. “Tama na yan pre, masyado nang mainit ang batian niyong dalawa. Sige na, ako na bahala dito”, sabi ni Makoy. “Pagsabihan mo yang aso mo ah?!!”, naglakad palayo si Nico habang nakatingin ng masama kay Jepoy. “Mag-iingat ka…”, pagbabanta ni Nico habang nakaturo kay Jepoy. “Arrggghhhhfff…”, pantutuya ni Jepoy habang nakalabas ang mga ngipin nito na para bang sa aso.

Naglakad palapit kay Jepoy si Makoy at tiyaka ito inakbayan. “Ano handa ka na ba para sa lakad bukas?”, tanong ni Makoy. “Ganun ba talaga yung Nico’ng yun?”, balik na tanong ni Jepoy. “Ahh, hayaan mo ‘yun. May pagka ispesyal kasi yun, may phobia sa aso nung bata. Hahaha”, napangisi na lang si Jepoy. “Teka, ano ba yung lakad natin bukas?”, tanong niya. “Si Gov”, “Haahh?”, “Si Gov ang plano natin bukas. Itutumba natin siya sa may plaza, panauhing pandangal siya sa patimpalak sa pag-gawa ng parol sa may plaza”, sabi ni Makoy. “Ba’t si Gov?”, tanong ni Jepoy. “Masyado siyang garapal at  maraming nang nalalaman sa organisasyon. Isa pa, si Chief ang nag utos na ipatumba si Gov galling kay Gen. Dahil sinosolo nito ang lahat ng kita sa pasugalan, club at illegal logging dito sa Antipolo”, paliwanag ni Makoy. “Alam mong ‘di ako tumutumba ng tao pre”, pangangatuwiran ni Jepoy. “’Tol ibigay mo na sa’ken ‘to. Ako ang itutumba ni General kapag hindi ko nagawa ang ipinag-uutos niya. Sige na Jepoy, pati yung parte ko sa’yo ko na rin ibibigay. Pumayag ka lang”, pangungumbinsi ni Makoy. Ngunit hindi maganda ang kutob ni Jepoy sa plano. “’Teka, e.. diba tumutumba ka rin ng tao, ba’t hindi na lang ikaw ang gumawa? O di kaya, umupa ka nang ibang gagawa para sa’yo?”, sagot ni Jepoy. “Masyadong maraming nakabantay na bodyguards si Gov, kilala din ako nung hayop nay un kaya hindi ako o ang mga bata ko ang basta-basta makakalapit. Isa pa, kilala kitang malinis kung tumrabaho, tiyaka walang nakakakilala sa’yo dito sa bayan. Malaking pera ‘to tol..”. – “’Tol si Tep-tep, ikaw na ang bahala sa kapatid ko…”, “Kakailanganin ho niya ng kidney transplant sa lalong madaling panahon”, “More or less five hundred thousand pesos para makumpleto ang procedure”, “Mabuti naman at nandito ka Jepoy… hindi ko alam ang gagawin, kung nabubuhay lang sana si Pong”,’Tol si Tep-tep, ikaw na ang bahala sa kapatid ko…”, – biglang nag-flashback kay Jepoy ang tunay na dahilan kung bakit siya kumagat sa alok ni Makoy. “Sige, pero kakailanganin ko ang paunang bayad at ang kalahati ay kailangang naka-wire transfer sa pangalan ko”, paninigurado ni Jepoy. “Areglado!”, sagot ni Makoy.

Sumapit ang umaga, handa na ang lahat. Nahati sa dalawa ang grupo sa magkabilang van. Hindi pa nag-uumpisa ang patimpalak. Sakto ang dating nila, ibinababa sa may di kalayuan si Jepoy, naka-pang reporter na damit, may camera, nakasuot ng salamin, naka-chalecong brown na maraming bulsa at may maliit na bag kung saan nakalagay ang baril na gagamitin kay Gov. Pumarada naman sa kalapit na gusali ang ibang kasamahan nito. Pinagmasdang maige ni Jepoy ang pag-gaganapan ng patimpalak. Tinatantiya niya kung saan siya pu-puwesto. May mga nakahelerang upuan sa may entablado at may lamesa sa may bandang kanang gilid ng entablado kung saan magsasalita ang ispiker. Alam na niya ang gagawin. Ipinakita niya ang reporter’s ID niya sa guard bago pumasok ng plaza. Naupo siya sa ikalawang hilera ng upuan sa may bandang harapan tapat ng speaker’s desk. Unti-unti nang nag sisidatingan ang mga tao. Nag uumpisa naring mapuno ng mga tao ang plaza. Umingay ang paligid, nagpa-palakpakan ang mga tao, at isinisigaw ang pangalan ni Gov. Isinuot ni Jepoy ang headset na nakakabit sa kaniyang telepono, at binigyan ng hudyat ang mga kasamahan sa labas.

“Putang ina! Ba’t may mga pulis?!!!” boses ni Makoy sa kabilang linya. Nagsilbing parang bakod sa paligid ang mga pulis habang ang mga tauhan naman ni Gov ay nakapuwesto sa harapan ng entablado, ang iba’y nasa likod at ang dalawa’y naka bantay sa likuran ng kaniyang kinauupuan. “Tuloy daw ang plano sabi ni General”, boses ‘yun ni Nico na dinig sa background mula sa kabilang linya. “’Tol…?”, tanong ni Makoy. “Sige, Makoy ako na bahala, wala ng atrasan ‘to..” sagot ni Jepoy. “Alerto kayo sa mga puwedeng mangyari!”, utos ni Makoy sa mga bata niya. Dumating na ang oras, tumayo si Gov sa kinauupuan niya para magbigay ng talumpati.  “Humanda na ang lahat, anong mang oras babagsak yang si Gov”, pang-aalerto ni Makoy. Heto na, ilang dipa na lang ang layo ng mukha ni Gov mula sa kinauupuan ni Jepoy. Tumayo si Jepoy at ini-angat ang kaniyang camera, alisto ang mga bata ni Gov at mainit na binabantayan si Jepoy. Nagsisimula nang umingay ang plaza habang nag-sasalita si Gov, maingay na palakpakan ang isinasagot ng madla sa mabulaklak nitong mga salita. “Mabuhay si Governor Braganza!!!”, sigaw ng isang lalaki na mukhang binayaran ng partido ni Gov, hanggang sa sunod-sunod na ang hiyawan sa loob, “Mabuhay!!!”, “Braganza!!!”, “Governor Braganza!!!!”, “Mabuhay!!!!”, na sinabayan ng palak-pakan ng mga tao. Nakangiting nagbigay pugay si Gov sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng madla, nag lakad siya papunta sa  may gitna ng entablado para kawayan ang mga taong sumusuporta. Ito na ang pinaka magandang pagkakataon para isagawa ang plano.

Patuloy ang pag pitik ni Jepoy sa hawak niyang camera, nilakasan din niya ang liwanag sa lente ng kaniyang adjustable camera flash para masilaw ang mga tauhan ni Gov at nang mailihis ang tingin mula kay Jepoy. Dahan-dahang isinuksok ni Jepoy ang kamay niya sa maliit na bag at marahang inilabas ang calibre 45 at tatlong sunod-sunod na putok ang narinig. “Bang! Bang! Bang!”, bulagta si Gov, alerto ang mga tauhan niya, subalit mas mabilis si Jepoy, pinitik ni Jepoy ang camera niya paharap sa mga tauhan ni Gov na nakapuwesto sa may harapan ng entablado at nasilaw ang mga ito sabay pinaputukan ni Jepoy, bagsak ang dalawa. Patakbong bumubunot ng baril ang dalawa na nasa entablado at pinaputukan si Jepoy, mala Lito Lapid ang mga sumuod na eksena. Nag-tumbling si Jepoy para iwasan ang mga bala, sabay piaputukan ang dalawa, bagsak.

Nagkakagulo na ang mga tao, at hindi makaporma ang mga pulis at baka mga sibilyan ang matamaan ng kanilang mga baril. “Tara na! Sa mga pulis at tauhan lamang ni Gov ang puntirya! Iwasan niyong makatama ng sibilyan”, sigaw ni Makoy at sabay sabay nang sumugod ang mga bata niya. Hindi pa bagong taon, subalit parang labintador na sabay-sabay kung pumutok ang mga baril ng magkabilang panig. Parang domino effect kung bumulagta ang mga tauhan ni Gov at ang mga pulis samahan mo pa ng islow-mow effect sa tuwing tatamaan ng bala ang kanilang katawan. Nagmukhang eksena sa isang maaksiyong pelikula ni Robin Padilla ang mga sumunod na eksena, may mga tuma-tumbling sa bawat pagsabog, may bumubunot pa lang subalit nangamatay na at mayroon namang mala Chuck Norris na hindi nauubusan ng bala.

Nabalutan ng usok ang paligid, nagmistula itong fog sa may plaza. “Jepooooy!!!”, sigaw ni Makoy na hinahanap ang kaibigan. “Jeeeepooooy!!! Nasaan ka…??”, paghahanap parin ni Makoy. “Makoooyy… ahhhh..”, ang sagot na narinig. Napansin ni Makoy na may gumalaw malapit sa entablado. Nakitang niyang nakahandusay doon si Jepoy at natabunan ng parang plywood na materyales gamit sa pagtatayo ng stage. Dali-daling lumapit si Makoy, “Tol.. okay ka lang ba?”, (ang laging tanong na parang tanga lang kahit halata namang hindi) “May tama ako ‘tol”, sagot ni Jepoy na iika-ika habang nakahawak sa ibabang kanang bahagi ng tiyan. “Tara na, tapos na  ang trabaho natin dito”, sabi ni Makoy na inalalayan ang kaibigan. “Hindi pa tayo tapos!”, sigaw ng lalaki sa kanilang likuran, lumingon ang dalawa, si Nico, habang nakatutuok ang baril kay Jepoy.

“Nico? Brad ano ‘to?”, tanong ni Makoy. “Labas ka dito Makoy, kaya huwag kang makikialam!”, sagot ni Nico. “Akala mo ba, hahayaan kong palagpasin ang ginawa mong pang babastos sa akin?! Ha??!! Jepooy???!!”, “ Hindi pa ako na insulto nang ganon kaya hindi ko hahayaang ang isang tulad mo lang ang gagawa sa akin nun. Sa katunayan, kayang-kaya kitang patumbahin nung mga oras na ‘yon kung hindi lang ako mainit kay General. Pero ngayon wala ka nang silbi, kaya tapos ka na…!”, pagbabanta ni Nico at handa nang kalabitin ang gatilyo. “Teka muna Nico, sandal lang. Baka puwede nating pag-uasapan ‘to?”, pakiusap ni Jepoy habang nakataas ng bahagya ang kanang kamay. “Ulol! Sa pelikula lang ni Lito Lapid gumagana ‘yang linyang ‘yan! Dito na magtatapos ang kabanata ng buhay mo Je-pooooyyy…”, sagot ni Nicona may halong pang iinsulto.

Kinalabit ni Nico ang gatilyo, dalawang sunod  na  putok ang umalingaw-ngaw sa  may plaza. “Bang! Bang! – – into the room… ”, siyempre komersiyal lang ‘yan maipasok lang. lels. “Makoooy!!!”, sigaw ni Jepoy. Iniharang ni Makoya ang katawan niya sa kaibigan at siya ang tinamaan ng bala mula sa baril ni Nico. Napayakap si Makoy kay  Jepoy habang lumalabas ang dugo mula sa kaniyang bibig. Kinuha ni Jepoy ang baril mula sa kanang kamay ni Makoy at pinaputukan si Nico. “Arrrrggggg!!!! Mamatay kang hayop ka!!!!”, apat na sunud-sunod na putok ang narinig. “Bang! Bang! – – into the room… – Bang! Bang! – – all over you… “, maipasok lang ulit. Haha.

Bulagta, bagsak si Nico mula sa kaniyang kinatatayuan habang tangan-tangan naman ni Jepoy ng kaniyang kaibigan.

“Makoy???”

“Tol.., uhu – uhu. . .”

“Tol, huwang ka na magsalita. Dadalhin kita sa ospital”

“Huwag na… uhu…”

“Ano bang sinasabi mo???”

Kinuha ni Makoy ang ulo ni Jepoy at hinawakan sa may batok. “Toool… pasensya ka na kung naduwag ako noon. Hindi ko gustong magtago pero wala akong magawa. Sinubukan kong bumalik, subalit nalaman kong nakulong ka nung gabing iyon at wala akong mukhang maihaharap sa’yo kaya hindi ko magawang dumalaw, patawad. uhu – uhu.. “

“Heto nga pala ang susi ng  kuwarto ko, makikita mo sa ilalim ng kama ko ang isang vault. Nandoon lahat ng kinita ko simula nung pumasok ako sa sindikato. Gamitin mo, magbagong buhay kayo ni Nicole, at ipangako mong hindi ka na muli pang babalik sa gawaing ito……ugh… “, bumagsak ang kamay ni Makoy mula sa pagkakahawak kasabay ng pagpikit ng kaniyang mga mata.

“Tol!!!! Hindi ka puwedeng mamatay…. ‘tol…. Gumising ka!!!” , nanginginig ang boses ni Jepoy habang niyuyug-yog ang walang buhay na katawan ni Makoy. Nangilid ang luha mula sa mga mata ni Jepoy..

“Tooool!!! Hindi ka pa puwedeng mamatay… hindi mo pa binibigay yung combination ng vault!!!”

Nagbukas bigla ang mga mata ni Makoy, “Walangya ka akala ko pa naman concern ka sa’ken… 1….4…3…4…4 ugh… “, at sa pagkakataong ito tuluyan na ngang nalagutan ng hininga si Makoy.

“Makoooooooooooyyyyyy!!!!”

Advertisement

10 thoughts on “Si Jessie J, Ariana Grande at Nicki Minaj

    • Hahaha… siempre, para saan pang inihabilin ni Makoy diba? kamusta haring “du”? Long time… hehehe, walangya, napa search tuloy ako sa ‘dagger’ kala ko wrong spelling. Ano meron? hahaha Happy New Year!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s