Isang Oras

Isang oras ang nalalabi bago matapos ang kabuoan ng araw ng trabaho ko. Isang oras na nais kong ilaan para sa kuta kong napag daanan na ng panahon at ngayon inaamag na. Isang oras na nais ko samantalahin hangga’t may pag kakataon pa. Isang oras na nais kong iaalay sa mga taong aking nakasalamuha sa virtual na mundong ito. Hindi ko man naka daupang palad ang ni isa sa inyo, minsan naman kayong nag iwan nang yapak sa akin na siya paring  binabalik balikan ko.

Isang oras…. isang oras na hindi maaring makuha ng lahat. Isang oras na sa marami ay hindi sapat. Subalit isang oras ang aking pagkaka siyahin para para mapunan ang aking kagustuhang salat. Kagustuhang makapag sulat, maiapahayag at maipamahagi. Kagustuhang sabihin sa inyo na ang lugar na ito at kayo ay namumukod tangi. Kagustuhang ilabas ang lahat nang aking saloobin. Kagustuhang sa isang oras ko na lamang pagkakasiyahin.

Hindi pa man lumilipas, pero pakiramdam ko ang bilis nang takbo ng oras. Hindi pa man lumilipas subalit tuyot na ang aking isipan kahit wala pa akong naipapamalas. Hindi pa man lumilipas, ngayo’y nag-da dalawang isip nang magpatuloy sa kaisipang ang aking daliri sa pagdura ay tuluyan nang nagasgas. Hindi pa man lumilipas at pakiramdam ko ang isang oras na meron ako’y inunahan na ako sa pagkaripas.

Isang oras, ngayo’y nalalapit na sa pagtatapos at hanggang ngayo’y pilit paring pinipiga ang utak upang sa katas makipag tuos. Sana’y maunawaan mo nang lubos kahit na ang istratehiya ay laos at sa sapat na diwa ay kapos, magpapatuloy ako’t ‘di magpapapigil kahit na ang aking pagbagsak sa aking puso ay tagos.

Maaaring iyong napuna, sa bawat nilaktawang mga salita. Ang talatang sa mahaba nag simula, tila ngayo’y nauupos nang kandila. Hindi ko maitatago na sa pagkaubos ng “isang oras” ko at sa pagpapatuloy ng mga daliri ko, lumalabas ang pagkabaluktot ng posteng ‘to.

Nasaan na nga ba? Nais ko lamang ay muling makapag sulat, subalit maging utak ko ay namalat na ngayo’y sa mensahe ay salat. Hiling ko sana ay muling mabigyan ng buhay, kahit na katiting kung meron man sa aki’y nananalaytay. Ipupusta ko ang aking pangarap na bahay basta’t huwag lamang ang aking pinakamamahal na Nanay.

Alam ko, at hindi mo na kailangan pang sabihin pa, “i know right” ika nga nang iba. Basta’t ang nais ko lamang ay tumipa, kahit na hindi angkop sa pagsisimula, na ang posteng ito ay lagyan ko nang kuwela.

Namiss kita, ou ikaw, hindi mo na kailangan pang magturo pa nang iba, ligaw na damo ka man o gamu-gamo pa. Basta’t marunong kang magbasa, tikom man o naka-nganga. Subukan mo ring tumipa, malay mo pagkatapos nito, magka “isang oras” pa.

Isang oras.