My DAD’s 29 Forever!

Dalampung taon mo nang itinataguyod at sinusuportahan ang ating pamilya. Dalawampung taon buhat ng ako’y isilang ng mahal kong ina na iyong asawa. Dalawampung taon na kitang tinatawag na “tatay”. Dalawampung taon na din kitang minamahal. Sabi nila madami daw tayong pagkakahawig, hindi lamang sa mukha kundi pati na rin sa tono ng boses, pagka-maawain, paraan ng pagpapatawa, pagiging nerbyoso, pagka-matatakutin sa multo at pati mga tigyawat sa mukha ay namana ko sa iyo. Subalit may namana ako sa’yo na pilit kong binabago, yun ay ang pagiging barumbado at pagiging mainitin ang ulo. Lalo na kapag nakakagawa ako ng kamalian at mga pagsuway ko sa mga utos mo nuong bata pa ako. Ilang beses ko na bang natikman ang mga palo mo, ang bawat pagsalo ng puwet ko sa mabibigat mong palad at kung minsan pa’y ang abaniko mong sinturon. Ilang beses ko na bang narinig ang mala FPJ mong boses na para bang me plemang nakabara sa lalamunan mo sa tuwing nagagalit ka. Pati ang paraan ng kaniyang panduduro eh kuhang-kuha mo. Alam ko idol mo siya, me balak ka bang mag artista? Ilang beses mo na din ba akong gustong palayasin dahil sa sobrang tigas ng ulo ko nuon. Maraming beses din nuong kabataan ko, matagal-tagal ding kinalyo itong puwetan ko sa haplos ng pagmamahal niyong dalawa ni mama, matagal-tagal ding naging musika ng tenga ko ang mga sermon mo sa tuwing ako’y iyong kinagagalitan at matagal-tagal na din mula nuong maramdaman at marinig ko ang mga iyon.

Sa kabila nang mga iyon, hindi ako nagtanim ng kahit na ano mang sama ng loob sa’yo nuon at hindi din nabawasan ang aking pagmamahal sa iyo. May mga oras nuong kabataan ko na nagtatampo ako sa’yo, minsan masama ang tingin lalo na sa tuwing ayaw mo akong payagang mangaroling dahil baka kung anong mangyari sakin at baka makagat pa ako ng aso, sa tuwing ayaw mo akong payagang maligo sa ilog na aking sinuway ng di mo nalalaman, nyahaha! at sa tuwing ayaw mo akong payagang sumama sa mga kalaro ko para magpalipad ng saranggola dahil baka makagat ako ng ahas sa parang. Naalala ko nuong ginawa’n mo ako ng saranggolang papel nuon na tinupi lamang yung magkabilang gilid at tiyaka tinalian ng sinulid para magmukhang saranggola. Tuwang-tuwa ako nuon at nagtatakbo para paliparin yung so called saranggola ko. Nauto mo ako nuon, gayunpaman ipinagpapasalamat ko na rin ang mga iyon dahil hindi ako nahihiyang ipakita ang mga tuhod ko nitong pagtanda ko na, at higit sa lahat ipinagpapasalamat ko na ikaw ang naging tatay ko.

Marami mang pagkakataong nasaksihan ko ang pagdilim ng kalangitan sa mukha mo, madaming beses ko rin namang nasilayan ang muling pagsikat ng araw pagkatapos ng malakas na bagyo. Ang iyong mga pag-ngiti at ang amin namang pagtawa sa mga simpleng diyoks mong pamatay. Ang malambot na puso mo sa mga taong nangangailangan lalo na sa iyong mga kapamilya. Ang pag-aabang mo sa iyong mga kinagigiliwang teleserye sa ABS-CBN at pagpapaiyak sa iyo ng bawat istorya ng “maala-ala mo kaya”. Saksi ako sa lahat ng iyon, hindi lamang sa iyong pag-ngiti’t pagtawa, pagkuno’t ng nuo at ang iyong pagluha kundi ang pagtitiyaga at pagpupursige mo para magampanan ang iyong titulo… ang pagiging isa at tunay na “Ama”. Kaya nga ipinagpapasalamat ko sa Diyos na ikaw ang naging tatay ko, maraming salamat sa pagtataguyod sa ating pamilya, maraming salamat sa pagmamahal at pag-aalaga, maraming salamat sa paghahanda ng babaunin ko sa trabaho kapag wala si mama, maraming salamat sa paglalaba ng mga damit natin at sa pag-gising sa akin kapag alas kuwatro na ng hapon, maraming salamat sa mga pangaral at iyong pagdidisiplina dahil kung hindi baka kung san na ako pinulot ngayon. Maraming Salamat ‘Tay! at kahit hindi ko man madalas na nasasabi sa’yo dahil nahihiya ako, ewan ko ba kay mama naman hindi… MAHAL NA MAHAL KITA ‘Tay! at kahit na bigyan pang muli ako ng pagkakataong papiliin kung sino ang gusto kong maging ama, paulit-ulit kong isisigaw ang pangalan mo. Dahil ikaw lang ang gusto kong maging tatay at wala nang iba, at walang sinu mang maaring pumalit sa’yo dito sa puso ko ‘Tay! Happy Birthday! Aylabyu ‘Tay! Muwaaaaah! Nyahahaha!

POSTED:June 1, 2010 @ 1:06AM Local Time (Phil)