Minsan…

Kamaikailan lamang ay dinurog ang aking puso ng pagpanaw ng aking Auntie, at nitong Ika-9 ng Mayo araw ng Linggo, pasado alas dose ng tanghali nuon. Ginulantang naman ako ng isang text message na nareceived ko mula sa aking matalik na kaibigan.

Ito ang sabe sa text message: “Sanggang Dikit mantarya ka ta samarin mi kad tan ed sikayo. Agka nabibigla, anggapo lay Ciarra adisgrasya” (Sanggang Dikit maghanda ka at susunduin ka namin diyan sa inyo. Wak kang mabibigla, wala na si Ciarra nadisgrasya)

we miss you shy!

Tumayo ang mga balahibo ko nung mga oras na iyon, bumilis ang tibok ng aking puso at para bang biglang sandaling naglakbay ang aking kaluluwa sa kawalan. Hindi pa ako nakakapaghanda ay dumating na sina Sanggang Dikit, Arc at si Hapon. Bakas sa kanilang mukha ang lungkot at panghihinayang. Naligo ako sandali’t nagbihis nagpaalam kina mama at tatay tapos dumiretso na kami sa bahay ng aming kaibigan para kumpirmahin ang balita.

Pasado alas dose nang dumating kami sa lugar, maraming nakahanay na berdeng upuan. Nadatnan namin ang mga kamag-anak ng aming kaibigan na naka-upo. Nagbigay galang kami’t umupo sa isang tabi. Bakas sa kanilang mga mukha ang kaninang pagbuhos ng mga luha. Subalit sa kabila nang aming nadatnan, pilit parin naming pinapapaniwala ang aming sarili na buhay pa siya, buhay pa’ si Ciarra. Ilang sandali’y nakilala namin ang Ina ng aming kaibigan. Muli kami ay nagbigay galang, subalit ang tangi lamang nilang nasambit ay “Wala na ang inyong kaibigan”. Kasabay nang kanilang pagtangis ang pagtayo ng aming balahibo, hindi parin kami makapaniwala at ayaw naming paniwalaan ang katotohanang.. wala na ang aming kaibigan. Naghintay kami, hinintay namin ang pagdating ng mga labi ng aming yumaong kaibigan. Isa – isa na ring nagdatingan ang iba pa naming mga kaibigan. Magkakasama kaming naupo bilang isang grupo, tahimik… ang kaninang hindi nagiimikan ay biglang nagsi-iyakan. Kaniya-kaniyang labas ng panyo, kaniya-kaniyang punas ng luha at may kaniya-kaniyang pinanghuhugutan ng emosyon. Mabilis na lumipas ang oras, madilim na nang dumating ang mga labi ng aming kaibigan. Ang tagpong iyon ang nagpamulat sa amin na wala na talaga ang aming kaibigan. Kasabay ng paglagak ng kaniyang mga labi ang himig na puno ng hinagpis, ang hangin na may hatid na kalungkutan at ang dalangin na sana’y maging mapayapa ang kaniyang paglisan. Nagsama-sama kami upang masilayan ang aming yumaong kaibigan, bakas sa kaniyang mukha ang saklap ng kaniyang sinapit. Ang silipin ang aming kaibigan sa loob ng kahon ng kamatayan ay parang bang unti-unting pagpunit sa aming mga puso. Mabilis na lumipas ang araw at sumapit ang araw ng kaniyang libing. Ang paghatid sa kaniyang huling hantungan ang pinakamasakit sa lahat, dahil dun na namin tuluyang mararamdaman ang kaniyang pagkawala.

Napakabilis ng mga pangyayari, akalain mo yon! Parang ambilis lumipas ng limang taon. Parang kelan lamang nung nasa high school pa tayo’t nagkakantahan. Naalala mo pa ba nung pinapauwe na tayo ni mamang guard dahil tayo na lamang ang tanging estyudante sa campus. Daig pa natin mga guro nun, dahil hindi magsasara ang gate hangga’t hindi tayo umuuwe. Parang kelan lang nung masilayan namin ang iyong pag-ngiti habang bitbit mo ang iyong gitara. Mas mahal mo pa nga ata yung gitara mo kesa dun sa dati mong syota. Hehehe. Parang kelan lang nung kinaiinggitan kita dahil kababae mong tao pero ang galing mo tumipa ng gitara, parang kelan lang naririnig pa namin ang iyong pag-awit, ang iyong pagtawa’t mga pang-aasar. Parang kelan lang…. at ngayo’y wala ka na. Alam ko na minsan mong hiniling na sana’y makumpleto tayo, nangyari nga gaya ng hiniling mo. Pero hindi ko inaasahan na sa ganitong pagkakataon tayo magsasama-sama, hindi sa ganuong pangyayari. Hindi man ako ang pinagsasabihan mo ng iyong mga sikreto, hindi ka man sa’kin humihingi ng payo at hindi man ang balikat ko ang iyakan mo. Kaibigan kita, at mananatili ka sa aming puso.

Nakagawa ka man ng mga kamalian sa iyong mga naging desisyon nitong mga nakaraan, malinis kang haharap sakaniya’t ipagkakaloob ang iyong sarili. Nag-iwan ka man ng isang bakanteng pasilyo na maaring hindi mapunan ng iba, nagbukas ka naman ng pintuan sa aming mga puso kung saan habambuhay naming aalahanin na… minsan tayo ay naging tunay na mag-kaibigan. Hindi pa ito ang huli tol, ito’y pansamantala paghihiwalay lamang. Tandaan mo na iisa ang ating pinanggalingan at iisa lang din ang ating kahahantungan. Muli tayong magkikita-kita, muling magkakantahan at muling maririnig ang halakhakan ng bawat isa. Kaya hanggang sa muli, catch you on the flip side! Happy Birthday Tol!

P.S. Ok lang kami tol, wak mo na kaming dalawin… kami na lang ang dadalaw sa’yo. Hehehe 😉

POSTED: May 23rd 2010 at 4:00AM PHIL TIME

SEE RELATED BLOG POST:

nhix – MISSING SOMEONE

7 thoughts on “Minsan…

  1. My sincere condolences, chevybo… Magkasama na sina auntie bolet at ciarra ngayon, pinagkukuwentuhan ka. Tsaka hindi ka daw dadalawin, padadalhan ka ng mensahe. O kya text n lng.
    Seriously, God bless their souls and may they truly rest in peace.

  2. happy birthday ciarra.. “shy”

    kanina lang magkakasama tayo.. haaay kakamiss siya..

    nakakalungkot pa rin pag ganito ang topic, kaya mas dinadaan na lang natin sa tawa, inaalala yung times na kasama natin shy kaysa yung accident na nangyari sa kanya..

Sarado na ang mga puna.