May 3rd, 2010

Dear Auntie Bolet,

Kamusta ka na? Alam kong nasa mabuti ka nang kalagayan ngayon. Mapayapa, malayo sa ano mang gulo, tahimik at higit sa lahat malayo sa kahit na sino na maaring manakit sa’yo. Pang-pat ka sa sampung magkakapatid, pang-apat na panganay, Ate ni Tatay at iba pang mas nakakabata mo pang mga kapatid, higit sa lahat Auntie namen’g iyong mga pamangkin mo. Subalit sa kabila nang iyong posisyon, ikaw pa ang napapagalitan, ikaw pa ang nasesermonan at ikaw pa ang minsa’y hindi namin ginagalang. Aaminin ko hindi kita gusto nuon, naalala mo pa ba nung nasa grade three ako tapos dumaan ka sa likuran namin habang nagfla-flag ceremony kami. May dala-dala kang walis tingting na winawalis mo sa hangin habang nakatali ng tela ang iyong ulo na para bang isa ka sa miyembro ng Ampatuan Clan? Tinawag mo pa ako nu’n sa aking pangalan tapos sinabayn mo ng tawa. Nung pag-alis mo tinanong ako ng mga kaklase ko, “Sino yun, Auntie mo?” sabay kantyaw nila sa’ken. Natahimik ako, hindi ko alam ang sasabihin, tapos sabi ko “Hindi ko kilala..”. Oo, tama ka, nahihiya ako’ng aminin na Auntie kita noon, hindi ko alam pero kinaiinisan kita. Naalala mo pa ba nung sinipa kita sa paa dahil sinawsaw mo yung kamay mo sa isang batyang panligo ko. Inis na inis ako sa’yo nun. Hi’rap ko kasi’ng binomba yung tubig na yun tapos sasaw-saw mo lang yung kamay mo’t panghuhugas ng paa. Eh yung, pagtulak ko sa’yo isang araw habang sigaw ka ng sigaw na para bang may kaaway. Pilit kitang pinapapasok nun, pero sinigawan mo din ako, hindi ko naman alam kung anung demonyong pumasok sa utak ko’t itinulak kita. Dinig ko ang sakit ng pagtama ng iyong ilong sa isang kahoy na bahagi ng ating bahay, umiyak ka’t pumasok sa may silungan. Bumilis ang tibok ng puso ko nun, pero binalewala ko lang din. Nagulat na lamang ako nang makita kitang may pasa sa mukha’t namamaga ang ilong. Medyo nakonsensya ako nun, kinabahan hindi dahil sa nasaktan kita kundi dahil sa alam kong pagagalitan at papaluin ako ni Tatay kapag nalaman niya iyon. Napakasama ko sa’yo nuon, naalala mo pa ba nung nagpapagamot ka pa sa Baguio General Hospital, dun ka samen pansamantala nanuluyan dahil kami lang naman ang tanging kamag-anak mo’ng nandoon. Natutulog ka nang bigla kitang binasa gamit ang watergun ko. Halos tumulo ang laway ko sa katatawa habang minamasdan ko ang reaksyon sa iyong mukha. Ang dame ko’ng kalokohan na ginawa sa’yo nuon, pero hindi din ako ganuon kasama. Naalala mo pa ba nung isang gabing pilit kang pinapatahimik gamit ang magaan na kamay ng isa sa iyong mga kapatid na lalaki. Sa bawat pagkalabog ng mga dingding ay siya namang lakas ng pag-kabog ng aking dibdib at sa bawat iyak na aking maririnig ay siya namang aking taimtim na pag-hikbi. Hindi ko alam subalit kusa ang pagtulo ng ulan sa aking mga mata, nabasa ng luha ang aking unan at nanalangin na sana’y tumigil na siya.

Lumipas ang panahon, tumanda ka’t maging ako naman ay ganun din. Kasabay ng ating pagtanda ang pagbabago sa paligid at kasabay nuon ang pagbabago ng pakikitungo ko sa’yo. Lumawak ang aking pag-iisip, humaba ang aking pasensya at mas lalo kong naunawaan ang iyong kalagayan. Ako pa nga ang taga kuha mo ng inumin at minsa’y taga-abot ng pagkain habang ikaw ay nasa likod ng malamig mong kaharian. Nakakahabag kang pagmasdan habang mag-isa sa iyong silid, mula sa pagsikat ng araw, sa pagdilat ng buwan hanggang sa paglubog nito. Nandun ka’t nag-iisa, nandun ka’t mag-isang tumatawa, minsa’y umiiyak, kinakausap ang sarili, minsa’y may tinatawag na pangalan at muling tatawa. Madilim at tanging ang liwanag na galing sa iyong bintana ang siyang nagsisilbing ilaw mo sa magdamag. Masakit man sa amin, subalit yan lamang ang tanging alam namin na makakabuti sa’yo. Hindi ka naman laging may sumpong, minsan ok ka naman. Nandiyan ka lang sa tabi natutulog pero ang takaw mo alam mo yon? Sa’yo ko ata namana ang katakawan ko sa kanin eh. hehehe. Kung maari nga lang sana ganiyan ka na lang lage, pero hindi. Maging ang mga gamot na iyong iniinom at itinuturok sa’yo ay hindi mapigilan ang paglabas ng isa mo pang pagkatao. Habang tumatagal lalo’ng lumalala ang iyong sitwasyon. Mas mahaba na ngayon ang panahon ng iyong pag sumpong kesa nung dati. Mas tumigas ang iyong ulo, ang tanda-tanda mo na pero ang lakas-lakas parin ng tuhod mo para magpabalik-balik mula sa barangay natin hanggang sa mismong bayan ng Calasiao (Sabagay hindi na ako nagtataka nilakad mo nga mula Baguio hanggang Pangasinan). Naiinis na ang lahat sa’yo, ganun na din si Ina (ang lola). Subalit isang umaga, pagka-galing ko ng trabaho. Narinig ko ang maliliit na paghikbi ni Ina, umakyat ako’t nadatnan kitang nakahiga sa isang folding bed. Buto’t balat, walang lakas, nanghihina at animo’y parang may malubhang sakit na matagal nang nakaratay sa banig ng karamdaman. Ako man ay nagulat sa aking nakita, isang linggong mahigit na pala kitang hindi nakikita. Parang unti-unting pinupunit ang aking puso habang pinagmamasdan ko ang iyong kalagayan. Napahagul-gol na lamang ako sa sobrang pagkahabag sa aking nasaksihan. At tuluyan na ngang dinurog ang aking puso kanina nung sinabihan akong wala ka na. Pana’y pag-iyak, tahimik na pag-hikbi ang maririnig mo sa lugar. Sa bawat pagpatak ng luha’y mararamdaman mo ang pighati na dulot ng iyong pagkawala. Pigil ang aking luha habang minamasdan ko walang-buhay mo’ng katawan. Pinikit ang mga mata at taimtim na nanalangin. Inihingi ng tawad ang mga kasalanang aking nagawa sa iyo at hiniling ang iyong mapayapang paglisan sa mundong ibabaw.

Wala na si Auntie Bolet, wala nang magtatakbo ng mga tsinelas namin. Wala nang uubos ng inimbak naming tubig dahil panlalaba mo lamang nang madaling araw. Wala nang magkakalampag ng kung anu-ano habang natutulog kami. Hindi na namin maririnig ang malakas mong boses na para bang nangangampanya ka kahit hindi naman panahon ng eleksiyon. Hindi na namin maririnig ang iyong pagtawa at ang mga pinapauso mo’ng mga bagong salita. Hindi na namin maririning ang mga composed songs mo, ang iyong paghimig na may damdamin. Hindi na namin makikita ang mala-Ampatuan mong get up. Hindi na namin makikita ang buhok mo na hindi pantay-pantay ang gupit dahil feeling mo parlorista ka. Hindi na namin makikita ang ulo mong namumula sa mertayolate dahil ginagawa mo itong conditioner. At higit sa lahat hindi na namin makikita ang pag-ngiti mo na pulos gilagid ang nakalabas. Minsan mo’ng pinakunot ang aming mga nuo subalit ikaw din naman ang dahilan ng minsan naming pag-ngiti. Malaya ka na ngayon, malaya ka nang maglakad sa malayo at malaya ka narin sa kalupitan na maaring ihatid ng mundo. Masakit man ang iyong pagkawala, subalit nag-iwan ka naman sa’min ng isang aral. Isang aral na hindi namin malilimutan. Isang aral na daldalhin namin hanggang sa muli nating pagkikita. Mammiss ka namen. Mahal ka namen.

Maong ya biyahe! Hanggang sa muli! Paalam….

Ang iyong pamangkin,
Chevy Cubo
CUBO FAMILY

Lesson Learned: Walang bagay sa mundong ‘to na permanente, lahat may hangganan. May mga tao sa paligid natin na maaring maghatid sa atin ng sakit, subalit ang bawat kamalian ay may kapatawaran. Matuto tayong magpatawad, matuto tayong yumuko at kusang magpakumbaba. Matuto tayong pahalagahan ang kung anung meron tayo sa ngayon. Dahil hindi mo na maibabalik ang mga nangyari kaninang alas otso ng umaga kung alas kuwatro na ng hapon nagyon.

Violeta Cunanan Cubo

September 10, 1953 – May 3, 2010