‘Di na gaya ng dati…

Sabi sa archive, ‘5 years go’ na daw mula nuong unang poste ko dito sa wordpress. Hindi ko naman sinasabing isa akong manunulat o isa sa mga naging ugat sa pag-usbong ng mundong blogosperyo. Isa lamang din akong gamu-gamo, lumot, damung ligaw na buma-blog hop sa iba’t-ibang kuta ng mga tinatawag nilang ‘bloggers’, astig pakinggan diba? Eh, inggetero ako. Ayun, gumawa rin ako ng sarili kong ‘blog’.

Isa na rin akong self-proclaimed ‘blogger’. Artistahin ang dating, ‘blogger’, pero ang totoo gusgusin parin. Nagsimula sa blanko, hindi Rico, takte limang taon na ang lumipas korni parin mga banat ko. Mabalik tayo sa ‘blanko’, walang kulay, walang buhay, walang istorya – in short – walang kuwenta. Iyon ang hitsura ng blog ko ng mga ilang oras pagkatapos kong maka-buo ng account dito sa wordpress. Hindi ko alam ang gagawin, blumag-hop ulit, naki-gaya, kumopya ng design ng iba, bagsak ng widget dito – drag duon, hanggang sa nakabuo ako ng matatawag kong ;bahay-cubo’.

Unti-unting nagkaroon ng kulay ang munti kong kuta, hindi sa palamuti o magagarang design dahil wala naman akong alam sa heych-tee-em-el nuon. Nadagdagan kasi ako nang mga kaibigan, hindi man sa mundong ginagalawan ko, pero sa mundong alam kong ‘totoo’. Hanggang sa natuto akong gumawa nang disenteng latha, hindi masakit sa mata, gawa nang tuluy-tuloy na pagsusulat dahil hindi pa kami ganun ka-close ng salitang ‘talata’. Sinubukan ko ring sumabay sa akda nang iba, pala-liman ng salita, palawakan ng pang-unawa at sariling interpretasyon sa mga bagay-bagay o pangyayari sa lipunan. Pero hindi ko kinaya, may mga naka-puna sa aking latha, pumuri na nagbigay ng ngiti sa akin kahit pansumandali. Akala ko kasi kaya ko, marunong lang pala pero hindi ko talentado.

Hanggang sa unti-unting natuyot ang pagkatas ng utak ko. Kahit gaano ko pa finger-in ang ilong ko, hindi nalilibugan ang mga brain cells ko. Duon ko nakilala si ‘hiatus’, sabi nila, pahinga lang daw muna, ang totoo, rason ko lang ‘yon dahil hindi ko na kayang sabayan ang mundong dati’y in-enjoy ko. Sa kabila nuon, ‘yung mga taong dito ko nakilala, sila yung nagbigay ng suporta. Kaya ko siguro pinili ang mundong ito, hindi lamang dahil ‘cool’ pakinggang na meron ka nito, kundi dahil, malapit sa katotohanan ang istorya ng bawat isa kahit na minsan ay puno nang misteryo.

Hindi ko alam kung para saan ang lathang ito, gusto ko lamang gunitain ang mga sandaling kaya pang tumipa ng tuluy-tuloy ang mga daliri ko. Buntong hininga man ang naging panapos ko, isa lang ang masasabi ko, ‘Namiss ko kayo’.

Dahil hindi na gaya nang dati…

Si Jessie J, Ariana Grande at Nicki Minaj

“Taaak’boooo! Andiyan na mga parak ‘tol!!!”, parang eksena sa pelikula na naghahabulan ang mga pulis at isang grupo nang mga binata na nagpapalitan ng putok. Habang sinasabayan naman ng pagkislap ng mga makukulay na ilaw mula sa mga nakasabit na parol ang animoy kuwitis sa bawat pagkalabit ng gatilyo. “Putang ina Jepoy! Taran na!!!”, “Tol, pucha may tama si Pong! Hindi natin siya puwedeng iwan dito”. “Alam ko!!! Pero kapag hindi pa tayo umalis, tayo ang mayayari!. Pangako, babalikan natin siya”. Tangan-tangan ni Jepoy ang ulo ni Pong  na may tama sa likod na tumagos sa kaniyang kaliwang dibdib. Hinila pababa ni Pong ang ulo ni Jepoy at may ibinulong. Pagkatapos ay inilapag ni Jepoy nang dahan-dahan ang ulo ni Pong at iginilid ang agaw buhay na katawan nito sa ilalim ng overpass sa may Mindanao Ave. “Tang-ina, tang-ina, tol.. tang-ina… Babalikan ka namin ‘tol, antayin mo kami” habol ang hininga ni Jepoy habang ibinibulong sa sarili na babalikan ang kaibigan. Takbo, suot dito – suot doon, talon. Madilim subalit kabisado ni Jepoy ang pasikut-sikot sa eskinitang tumatagos mula Mindanao Ave palabas ng Tandang Sora. “tol, babalik ako…”.

“Huy! Natutulala ka nanaman diyan”, tinabig ng siko ni Nicole ang braso ni Jepoy habang lulan ng dyip papuntang Fairview. “Hah? e.., wala, may naalala lang ako”, “ Si Pong?”, “Oo, pasensiya ka na. Hindi lang talaga kasi mawala-wala sa isipan ko yung nangyari nung gabing ‘yon”. “Okay, lang, naintindihan ko. Manong sa may overpass lang.” “Sag’let lang Miss, dito tayo sa silong, di puwede sa ibabaw eh”, tawanan ang mga tao sa loob ng dyip. Pati si Jepoy napatawa ng tipid sa sinabi ng driver ng dyip. Bumaba nang dyip ang dalawa. “Gago yung drayber na yun ah!”, pagmumuryot ng dalaga. Naka-ngisi lang si Jepoy subalit habang papaakyat ng overpass, ay hindi na nito napigilan ang kaniyang tawa. “Ulol! Isa ka pa!”, hagalpak si Jepoy na namumula at hindi na kita ang mata sa katatawa. “Hahahaha! eh, may  punto naman si mamang drayber babe. hihihi”, sapo ni Jepoy ang tiyan habang tumatawa at nakatingin lang kay Nicole. “Gago! Magsama kayo nung mamang driver nay un! Hmpf! ”, padabog na naglakad patawid ng Tandang Sora si Nicole. “Huuuuy, sandali lang-hahahaha”, hindi parin mapigilan ni Jepoy ang tawa dahil sa pagmumuryot ng dalaga.

Naglalakad si Jepoy palabas ng eskinita para bumili ng ulam para sa hapunan nang matanaw niya mula sa malayo ang liwanag mula sa hinihithit na sigarilyo. Tanging anino lamang ang nakikita ni Jepoy mula sa kaniyang kinatatyuan at hindi niya mamukhaan kung sino ang nakaharang sa kaniyang daraanan. Madilim at mediyo mahaba-haba ang lagusan ng eskinitang tatahakin. “Pucha, wala nang atrasan ‘to”, marahan na inilabas ni Jepoy ang dagger mula sa kaniyang kanang bulsa, mahigpit na hinawakan at nagsimula nang maglakad. Patuloy parin sa paghithit ang kung sino mang nakaharang sa daraanan ni Jepoy. Habang papalapit ay lalong humihigpit ang hawak ni Jepoy sa patalim na sinasabayan nang malalim na paghinga. Aminado si Jepoy sa kaniyang sarili na kinakabahan siya nang mga oras na iyon.

Namatay ang ilaw mula sa sigarilyo na nagisislbing gamu-gamo sa madilim na eskinita at ang anino mula rito ay naglaho rin. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ni Jepoy, maya-maya’y may tumapik sa balikat niya. Mabilis ang reaksiyon ng katawan ni Jepoy. Hinila niya ang kamay na tumapik sa kaniyang balikat at ipinasandal sa pader ang lalaking nagmamay-ari nito habang mariin na nakatutok ang patalim sa leeg ng lalaki. “Teka, teka muna sandali…”, pamilyar ang boses nang lalaki, . “Putang ina Jepoy! Tara na!!!”   “Makoy?..”, hindi parin ibinababa ni Jepoy mula sa pagkakatutok ang patalim kay Makoy. Parang nabuhusan ng malamig na tubig nang mga sandaling iyon si Jepoy. Marahang ibinababa ni Makoy ang patalim mula sa pagkakatutok sa kaniya, nang parang biglang bumalik sa ulirat si Jepoy at muling itinutok ang patalim kay Makoy.

“Okay lang mga tsong…”, habang nakataas ang kamay ni Makoy na para bang sinisenyasan ang mga bata nito na papalapit sa kanila. Hindi napansin ni Jepoy na may lalaki pa lang naka-abang sa magkabilang gilid niya. “Easy, ka lang ‘tol… ganiyan mo ba batiin ang balik-bayan mong kaibigan?”, habang tinatapik ang balikat ni Jepoy. Padabog na ibinaba ni Jepoy ang patalim at pabuntong hiningang tumalikod. “Bakit ka pa bumalik?”, mararamdaman mo sa boses ni Jepoy ang mangiyak ngiyak na gigil dahil sa galit. “E ano pa, edi namiss ka!”, “Putaaang inaaa! Sampong taon ako sa kulungan ni ha, ni ho wala akong narinig sa’yo! Tapos sasabihin mo ‘yan sa’kin, ginagago mo ba ako??!!” nakasakal ang kaliwang kamay ni Jepoy kay Makoy at uundayan na ito ng saksak. “Pucha!!! naman Jepoy!!! Pare-pareho tayong maiinit sa parak nung mga panahong iyon!!!”, “E yung, partehan?!!, dinobol-kros mo kami Makoy, kahit na yung parte na lang sana ni Pong ang ibinigay mo para nabigyan nang maayos na libing yung tao. Pero anong ginawa mo??! Pati ‘yun itinakbo mo!! Tang-ina ka!!!”.

“Yung parte ni Pong, ibinigay ko sa Nanay niya”. “Tang-ina!!! huwang mo akong ginagago. Nakausap ko yung nakababatang kapatid ni Pong habang nasa loob ako, hindi nila matubos-tubos yung bangkay nung tao dahil wala silang pambayad!!”. “Labas na ako dun pre, basta ibinigay ko yung parte ni Pong. Sa katunayan nga niyan. Naparito ako para ibigay yung sa’yo.”, may hinugot na sobre mula sa bulsa si Makoy at iniabot kay Jepoy. Tinignan ni Jepoy ang sobre. “Ito…kunin mo na…”, nakatingin lang si Jepoy sa sobre. “Sige na….”, kinuha ni Makoy ang kamay ni Jepoy at pilit na ipinahawak ang sobre. “Nabalitaan ko ang nangyari sa’yo kaya, dinagdagan ko yan. Hindi na ako gaya nang dati, hindi na puro pawnshop o pipitsuging restorant ang tinitira ko ngayon at mayrooon na rin akong mga koneksiyon”, pag-mamayabang nito. Magkaharap ang dalawa at nanatiling nakatitig parin si Jepoy sa sobre, ngilid ang luha sa kaniyang mga mata, “tol, babalik ako…”. “Kailangan ko nang tao, at ikaw ang una kong naisip. Hindi ko akalain na dito sa bulok na lugar parin kita matatagpuan”, ani Makoy.

“Tinalikuran ko na ang gawaing ‘yan. Pinagbayaran ko na rin sa loob ang mga nagawa kong kasalanan noon. Mula nung gabing iyon, ipinangako ko sa sarili ko na hindi ko na muling babalikan pa ang dati kong buhay”, sagot ni Jepoy. “Tol, malaking isda ‘to. Minsan lang dumating ang mga ganitong pagkakataon. Malaking pera ‘to Jepoy. Sumama ka lang, pagkatapos ng lakad na ‘to, hindi na kita muling gagambalain pa.” panghihimok ni Makoy. “Hindi mo ba ako narinig?!! Hindi na ako yung dating Jepoy! Kaya ang mabuti pa umalis na kayo!!”, napabuntong hininga si Makoy at nag umpisa nang maglakad palabas ng eskinita. Nagsindi ito ng sigarilyo at huminto, “Nakasulat sa sobre ang numero ko. Kung sakaling magbago ang isip mo, alam mo kung saan ako kokontakin. Pag-isipan mo… “.

Naiwang nakatayo si Jepoy sa may eskinita. Hawak ang sobre at patalim na para bang si Lando’ng nag aabang sa dilim. Umuwi si Jepoy bitbit ang sobre, sinalubong siya ni Nicole. “Oh, akala ko natabunan ka na sa karinderya eh??”, “Nasa’n ang ulam?!”. “Si Makoy…”, bulong ni Jepoy. “Ano?”, “Si Makoy… nagbalik si Makoy” paglilinaw ni Jepoy. Doon napansin ni Nicole ang sobreng dala ni Jepoy at ang patalim na hawak nito sa kanang kamay. “Ano??! Ba’t hawak mo yang kutsilyo mo, nag pang abot ba kayong dalawa??”, “Oo…”. Niyakap ni Nicole si Jepoy na para bang tulala, at hinawakan sa mukha, chineck kung may tama ba ito sa katawan. “Oh, Diyos ko, salamat naman at hindi ka napaano”. “Anong nangyari? Tiyaka ba’t may dala kang sobre?”. “Ako ang unang umatake, mabuti na lamang at kalmado ang bawat sagot niya sa akin. Kung hindi baka ako ang headline sa diyaryo bukas”, pagkukuwento ni Jepoy. “E yang, sobre?”, “Parte ko daw sa huli naming trabaho. Inalok din niya ako ng trabaho, niyayaya niya akong bumalik sa dati naming Gawain. Iba na siya Nicole. Parang hindi na siya yung Makoy na kilala ko dati.”, paliwanag ni Jepoy. Kinuha ni Nicole ang patalim at mahigpit na niyakap si Jepoy.

“Oh, sa’n ka pupunta?” tanong ni Nicole kay Jepoy na papalabas ng bahay. “Sa Antipolo”, “Ha?!”, “Pupuntahan ko sila Nanay Mameng para ibigay ‘tong sobre..”, “Hindi ka ba muna mag aalmusal?”, “Okay lang, busog pa ako”, sagot ni Jepoy. “Nanay Mameng…! Na’y Mameng……Na’y Mameng…….!”, “Anak, wala sila Mameng diyan ngay-on…”, sambit nang matandang babae. “Ho? E…, nasan ho sila Nanay?”, “Nasa ospital sa may bayan, isinugod yung bunsong anak niyang lalaki. Teka, ano bang sadiya mo iho?”, tanong ng matanda. Hindi na nakasagot si Jepoy, dali-dali itong lumabas papuntang paradahan ng tricycle at nagtungo sa ospital.

“Na’y Mameng! Ano hong nangyari? Kamusta po si Tep-tep?”, “Mabuti naman at nandito ka Jepoy… Hindi ko alam ang gagawin ko, umuwi na lang siyang namumutla at nagsusuka.. hindi ko alam ang gagawin, kung nabubuhay lang sana si Pong”, mangiyak-ngiyak na sabi ng matanda. Niyakap ni Jepoy ang ina ni Pong. “Huwag na ho kayong mag-alala, andito na  po ako. Antayin na lamang po natin kung anong findings ng doctor”, habang nakatingin sa nahihimbing na bata. Makalipas ang tatlong oras ay dumating ang doktor. “Nay, kayo ho ba ang kamag-anak ng pasyente?”, sabay na tumayo sina Nanay Mameng at Jepoy, “Ako ho ang Nanay niya..”, sagot ng matanda. “Hindi na ho ako magpapaliguy-ligoy pa, kailangan ho ng operasyon ng anak ninyo. Bumagsak ho pareho ang kidney niya. Kakailanganin ho niya ng kidney transplant sa lalong madaling panahon”, napahagul-gol ang pobreng matanda. “Magkano ho ang kakailanganin Dok?”, tanong ni Jepoy sa doktor. “Kakailanganin muna nating magsagawa ng mga tests bago ang surgery at kung hindi na talaga kakayanin ng kidneys ng bata dahil sa total malfunction, mag a-undergo siya ng dialysis at kailangan din nating mag hanap ng kidney na mag ma-match sa…..”, “So, magkano nga ho dok?”, pamumutol ni Jepoy sa pag papaliwanag ng doktor. “More or less five hundred thousand pesos para makumpleto ang procedure”, hinugot ni Jepoy ang sobre mula sa likod na bulsa ng kaniyang pantalon at binilang ang laman nito. “Isang daang libo….? Saan ako kukuha ng perang pandagdag”, bulong niya sa sarili. Habang ang doktor ay patuloy parin sa pagpapaliwang, “Pero hindi ibig sabihin nun ay sigurado ang tuluyang pag-galing ng pasyente pagkatapos ng transplant. Oobserbahan muna siya after 48hrs, para malaman kung tuluyan bang tatanggapin ng katawan niya ang bagong kidney. Maaari kasing i-reject ng katawan ang bagong kidney kahit na successful ang paglalagay nito. Kung sakaling matagumpay ang operasyon, mag papatuloy sa medikasyon ang pasyente…….”, patuloy sa pag sasalita ang doktor, subalit si Jepoy ay nananatiling nakatitig sa sobre at sa laman nito. “’Tol si Tep-tep, ikaw na ang bahala sa kapatid ko…” ang mga huling salitang narinig niya mula sa matalik na kaibigang si Pong ang nagbabalik sa kaniyang ala-ala nung mga oras na iyon.

“Hello?”, “Makoy?”, “Sino ‘to?”, “Si Jepoy, magkita tayo sa may lumang istasyon ng bus mamayang gabi ng alas siete”. Hindi na  inantay ni Jepoy ang isasagot ni Makoy. Alam nitong sisipot ito sa usapan. Umuwi si Jepoy sa kanila, naglabas ng maleta at inilabas ang kahong akala niya’y hindi na niya muling magagamit pa. Nag-iwan siya ng sulat para kay Nicole at sinabihang umuwi muna sa kanila sa Bicol. Sumapit ang alas siete, nag-aabang na sa may tarangkahan si Jepoy. Maya-maya may pumaradang L-300 van sa harapan niya at bumaba ang tinted na salamin sa unahang bahagi ng sasakyan. Nagbukas ang pinto, “Jepoy! tara na…”, hinithit muna ni Jepoy ang papaubos na sigarilyo tiyaka sumunod kay Makoy.

Halos isang oras din ang lumipas at sa wakas huminto na rin ang sasakyan. Bumaba ang lahat ng sakay nito, kasama si Jepoy. Tago ang lugar at gaya nang inaasahan sa isang lumang bodega ang nagsisilbing lungga ng mga kawatan. Pagpasok sa bodega ay sumalubong sa kanila ang iba pang kasamahan ni Makoy. Malaki-laki ang grupo nito, at mukhang hindi na nga siya tulad ng dati. Grupo-grupo kung kumilos ang mga bata ni Makoy, mayroong sinasalansan ang mga smuggled na baril sa kahon, may nag re-repack ng shabu, may nag-iinuman sa tabi, may mga nagsusugal at ang iba naman ay tumitira ng bato. Pati human trafficking ni linya na rin ni Makoy. Nagulat si Jepoy nang makita niyang may pumaradang dalawang van at nag-baba ng mga bata. Mga batang babe at lalaki na nasa 7 hanggang 12 taong gulang. Pina linya at pinalakad papunta sa malayong bahagi ng bodega. Big shot na nga talaga itong si Makoy sa isip-isip ni Jepoy.

“Oh! Jepoy!”, naghagis si Makoy ng beer at agad namang sinalo ni Jepoy. “Ano ba yung trabahong sinasabi mo? at kelan?”, tanong ni Jepoy. “Teka, masyado atang mainit ‘tong bagong aso mo Makoy”,  sabi nang isang lalaki na naka leather jacket na itim, mahaba ang buhok, matipuno ang pangangatawan at tinignan nang masama si Jepoy habang naglalakad papunta sa harapan nito. “Siya nga pala, Jepoy, si Nico, kasosyo ko sa negosyo. Si Jepoy, kababata ko”, pagpapakilala ni Makoy sa dalawa. “Ikaw pala si Jepoy, balita ko mabilis ka daw..ah…, sa pagtakbo”, sabay tawanan yung mga bata ni Makoy habang nakangiting-aso ang kumag. “Oo, aso kasi ‘ko ni Makoy nuon. Ako rin ang kumakagat sa mga taong gusto niyang ipatira. Yung huling taong ipinatumba niya sa’ken. Madaldal din, kagaya mo”, at nagkatitigan ng masama ang dalawa.  “Aba!, matigas ‘tong alaga mo ah. Baka gusto mo ito nang maging huling hantungan mo?!!! Tarantado ka ah!!!”, bubunot na ng baril si Nico, subalit mabilis si Jepoy. Naibato na niya ang dagger na kanina pa hawak, bago pa man mabunot ni Nico ang kaniyang baril. Tumama ito sa kanang bahagi ng jacket ni Nico kung saan naroon ang baril at tumagos sa kahong nasa likuran nito. Bubunutin na sana ni Nico ang baril, subalit mabilis siyang napigilan ni Makoy. “Tama na yan pre, masyado nang mainit ang batian niyong dalawa. Sige na, ako na bahala dito”, sabi ni Makoy. “Pagsabihan mo yang aso mo ah?!!”, naglakad palayo si Nico habang nakatingin ng masama kay Jepoy. “Mag-iingat ka…”, pagbabanta ni Nico habang nakaturo kay Jepoy. “Arrggghhhhfff…”, pantutuya ni Jepoy habang nakalabas ang mga ngipin nito na para bang sa aso.

Naglakad palapit kay Jepoy si Makoy at tiyaka ito inakbayan. “Ano handa ka na ba para sa lakad bukas?”, tanong ni Makoy. “Ganun ba talaga yung Nico’ng yun?”, balik na tanong ni Jepoy. “Ahh, hayaan mo ‘yun. May pagka ispesyal kasi yun, may phobia sa aso nung bata. Hahaha”, napangisi na lang si Jepoy. “Teka, ano ba yung lakad natin bukas?”, tanong niya. “Si Gov”, “Haahh?”, “Si Gov ang plano natin bukas. Itutumba natin siya sa may plaza, panauhing pandangal siya sa patimpalak sa pag-gawa ng parol sa may plaza”, sabi ni Makoy. “Ba’t si Gov?”, tanong ni Jepoy. “Masyado siyang garapal at  maraming nang nalalaman sa organisasyon. Isa pa, si Chief ang nag utos na ipatumba si Gov galling kay Gen. Dahil sinosolo nito ang lahat ng kita sa pasugalan, club at illegal logging dito sa Antipolo”, paliwanag ni Makoy. “Alam mong ‘di ako tumutumba ng tao pre”, pangangatuwiran ni Jepoy. “’Tol ibigay mo na sa’ken ‘to. Ako ang itutumba ni General kapag hindi ko nagawa ang ipinag-uutos niya. Sige na Jepoy, pati yung parte ko sa’yo ko na rin ibibigay. Pumayag ka lang”, pangungumbinsi ni Makoy. Ngunit hindi maganda ang kutob ni Jepoy sa plano. “’Teka, e.. diba tumutumba ka rin ng tao, ba’t hindi na lang ikaw ang gumawa? O di kaya, umupa ka nang ibang gagawa para sa’yo?”, sagot ni Jepoy. “Masyadong maraming nakabantay na bodyguards si Gov, kilala din ako nung hayop nay un kaya hindi ako o ang mga bata ko ang basta-basta makakalapit. Isa pa, kilala kitang malinis kung tumrabaho, tiyaka walang nakakakilala sa’yo dito sa bayan. Malaking pera ‘to tol..”. – “’Tol si Tep-tep, ikaw na ang bahala sa kapatid ko…”, “Kakailanganin ho niya ng kidney transplant sa lalong madaling panahon”, “More or less five hundred thousand pesos para makumpleto ang procedure”, “Mabuti naman at nandito ka Jepoy… hindi ko alam ang gagawin, kung nabubuhay lang sana si Pong”,’Tol si Tep-tep, ikaw na ang bahala sa kapatid ko…”, – biglang nag-flashback kay Jepoy ang tunay na dahilan kung bakit siya kumagat sa alok ni Makoy. “Sige, pero kakailanganin ko ang paunang bayad at ang kalahati ay kailangang naka-wire transfer sa pangalan ko”, paninigurado ni Jepoy. “Areglado!”, sagot ni Makoy.

Sumapit ang umaga, handa na ang lahat. Nahati sa dalawa ang grupo sa magkabilang van. Hindi pa nag-uumpisa ang patimpalak. Sakto ang dating nila, ibinababa sa may di kalayuan si Jepoy, naka-pang reporter na damit, may camera, nakasuot ng salamin, naka-chalecong brown na maraming bulsa at may maliit na bag kung saan nakalagay ang baril na gagamitin kay Gov. Pumarada naman sa kalapit na gusali ang ibang kasamahan nito. Pinagmasdang maige ni Jepoy ang pag-gaganapan ng patimpalak. Tinatantiya niya kung saan siya pu-puwesto. May mga nakahelerang upuan sa may entablado at may lamesa sa may bandang kanang gilid ng entablado kung saan magsasalita ang ispiker. Alam na niya ang gagawin. Ipinakita niya ang reporter’s ID niya sa guard bago pumasok ng plaza. Naupo siya sa ikalawang hilera ng upuan sa may bandang harapan tapat ng speaker’s desk. Unti-unti nang nag sisidatingan ang mga tao. Nag uumpisa naring mapuno ng mga tao ang plaza. Umingay ang paligid, nagpa-palakpakan ang mga tao, at isinisigaw ang pangalan ni Gov. Isinuot ni Jepoy ang headset na nakakabit sa kaniyang telepono, at binigyan ng hudyat ang mga kasamahan sa labas.

“Putang ina! Ba’t may mga pulis?!!!” boses ni Makoy sa kabilang linya. Nagsilbing parang bakod sa paligid ang mga pulis habang ang mga tauhan naman ni Gov ay nakapuwesto sa harapan ng entablado, ang iba’y nasa likod at ang dalawa’y naka bantay sa likuran ng kaniyang kinauupuan. “Tuloy daw ang plano sabi ni General”, boses ‘yun ni Nico na dinig sa background mula sa kabilang linya. “’Tol…?”, tanong ni Makoy. “Sige, Makoy ako na bahala, wala ng atrasan ‘to..” sagot ni Jepoy. “Alerto kayo sa mga puwedeng mangyari!”, utos ni Makoy sa mga bata niya. Dumating na ang oras, tumayo si Gov sa kinauupuan niya para magbigay ng talumpati.  “Humanda na ang lahat, anong mang oras babagsak yang si Gov”, pang-aalerto ni Makoy. Heto na, ilang dipa na lang ang layo ng mukha ni Gov mula sa kinauupuan ni Jepoy. Tumayo si Jepoy at ini-angat ang kaniyang camera, alisto ang mga bata ni Gov at mainit na binabantayan si Jepoy. Nagsisimula nang umingay ang plaza habang nag-sasalita si Gov, maingay na palakpakan ang isinasagot ng madla sa mabulaklak nitong mga salita. “Mabuhay si Governor Braganza!!!”, sigaw ng isang lalaki na mukhang binayaran ng partido ni Gov, hanggang sa sunod-sunod na ang hiyawan sa loob, “Mabuhay!!!”, “Braganza!!!”, “Governor Braganza!!!!”, “Mabuhay!!!!”, na sinabayan ng palak-pakan ng mga tao. Nakangiting nagbigay pugay si Gov sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng madla, nag lakad siya papunta sa  may gitna ng entablado para kawayan ang mga taong sumusuporta. Ito na ang pinaka magandang pagkakataon para isagawa ang plano.

Patuloy ang pag pitik ni Jepoy sa hawak niyang camera, nilakasan din niya ang liwanag sa lente ng kaniyang adjustable camera flash para masilaw ang mga tauhan ni Gov at nang mailihis ang tingin mula kay Jepoy. Dahan-dahang isinuksok ni Jepoy ang kamay niya sa maliit na bag at marahang inilabas ang calibre 45 at tatlong sunod-sunod na putok ang narinig. “Bang! Bang! Bang!”, bulagta si Gov, alerto ang mga tauhan niya, subalit mas mabilis si Jepoy, pinitik ni Jepoy ang camera niya paharap sa mga tauhan ni Gov na nakapuwesto sa may harapan ng entablado at nasilaw ang mga ito sabay pinaputukan ni Jepoy, bagsak ang dalawa. Patakbong bumubunot ng baril ang dalawa na nasa entablado at pinaputukan si Jepoy, mala Lito Lapid ang mga sumuod na eksena. Nag-tumbling si Jepoy para iwasan ang mga bala, sabay piaputukan ang dalawa, bagsak.

Nagkakagulo na ang mga tao, at hindi makaporma ang mga pulis at baka mga sibilyan ang matamaan ng kanilang mga baril. “Tara na! Sa mga pulis at tauhan lamang ni Gov ang puntirya! Iwasan niyong makatama ng sibilyan”, sigaw ni Makoy at sabay sabay nang sumugod ang mga bata niya. Hindi pa bagong taon, subalit parang labintador na sabay-sabay kung pumutok ang mga baril ng magkabilang panig. Parang domino effect kung bumulagta ang mga tauhan ni Gov at ang mga pulis samahan mo pa ng islow-mow effect sa tuwing tatamaan ng bala ang kanilang katawan. Nagmukhang eksena sa isang maaksiyong pelikula ni Robin Padilla ang mga sumunod na eksena, may mga tuma-tumbling sa bawat pagsabog, may bumubunot pa lang subalit nangamatay na at mayroon namang mala Chuck Norris na hindi nauubusan ng bala.

Nabalutan ng usok ang paligid, nagmistula itong fog sa may plaza. “Jepooooy!!!”, sigaw ni Makoy na hinahanap ang kaibigan. “Jeeeepooooy!!! Nasaan ka…??”, paghahanap parin ni Makoy. “Makoooyy… ahhhh..”, ang sagot na narinig. Napansin ni Makoy na may gumalaw malapit sa entablado. Nakitang niyang nakahandusay doon si Jepoy at natabunan ng parang plywood na materyales gamit sa pagtatayo ng stage. Dali-daling lumapit si Makoy, “Tol.. okay ka lang ba?”, (ang laging tanong na parang tanga lang kahit halata namang hindi) “May tama ako ‘tol”, sagot ni Jepoy na iika-ika habang nakahawak sa ibabang kanang bahagi ng tiyan. “Tara na, tapos na  ang trabaho natin dito”, sabi ni Makoy na inalalayan ang kaibigan. “Hindi pa tayo tapos!”, sigaw ng lalaki sa kanilang likuran, lumingon ang dalawa, si Nico, habang nakatutuok ang baril kay Jepoy.

“Nico? Brad ano ‘to?”, tanong ni Makoy. “Labas ka dito Makoy, kaya huwag kang makikialam!”, sagot ni Nico. “Akala mo ba, hahayaan kong palagpasin ang ginawa mong pang babastos sa akin?! Ha??!! Jepooy???!!”, “ Hindi pa ako na insulto nang ganon kaya hindi ko hahayaang ang isang tulad mo lang ang gagawa sa akin nun. Sa katunayan, kayang-kaya kitang patumbahin nung mga oras na ‘yon kung hindi lang ako mainit kay General. Pero ngayon wala ka nang silbi, kaya tapos ka na…!”, pagbabanta ni Nico at handa nang kalabitin ang gatilyo. “Teka muna Nico, sandal lang. Baka puwede nating pag-uasapan ‘to?”, pakiusap ni Jepoy habang nakataas ng bahagya ang kanang kamay. “Ulol! Sa pelikula lang ni Lito Lapid gumagana ‘yang linyang ‘yan! Dito na magtatapos ang kabanata ng buhay mo Je-pooooyyy…”, sagot ni Nicona may halong pang iinsulto.

Kinalabit ni Nico ang gatilyo, dalawang sunod  na  putok ang umalingaw-ngaw sa  may plaza. “Bang! Bang! – – into the room… ”, siyempre komersiyal lang ‘yan maipasok lang. lels. “Makoooy!!!”, sigaw ni Jepoy. Iniharang ni Makoya ang katawan niya sa kaibigan at siya ang tinamaan ng bala mula sa baril ni Nico. Napayakap si Makoy kay  Jepoy habang lumalabas ang dugo mula sa kaniyang bibig. Kinuha ni Jepoy ang baril mula sa kanang kamay ni Makoy at pinaputukan si Nico. “Arrrrggggg!!!! Mamatay kang hayop ka!!!!”, apat na sunud-sunod na putok ang narinig. “Bang! Bang! – – into the room… – Bang! Bang! – – all over you… “, maipasok lang ulit. Haha.

Bulagta, bagsak si Nico mula sa kaniyang kinatatayuan habang tangan-tangan naman ni Jepoy ng kaniyang kaibigan.

“Makoy???”

“Tol.., uhu – uhu. . .”

“Tol, huwang ka na magsalita. Dadalhin kita sa ospital”

“Huwag na… uhu…”

“Ano bang sinasabi mo???”

Kinuha ni Makoy ang ulo ni Jepoy at hinawakan sa may batok. “Toool… pasensya ka na kung naduwag ako noon. Hindi ko gustong magtago pero wala akong magawa. Sinubukan kong bumalik, subalit nalaman kong nakulong ka nung gabing iyon at wala akong mukhang maihaharap sa’yo kaya hindi ko magawang dumalaw, patawad. uhu – uhu.. “

“Heto nga pala ang susi ng  kuwarto ko, makikita mo sa ilalim ng kama ko ang isang vault. Nandoon lahat ng kinita ko simula nung pumasok ako sa sindikato. Gamitin mo, magbagong buhay kayo ni Nicole, at ipangako mong hindi ka na muli pang babalik sa gawaing ito……ugh… “, bumagsak ang kamay ni Makoy mula sa pagkakahawak kasabay ng pagpikit ng kaniyang mga mata.

“Tol!!!! Hindi ka puwedeng mamatay…. ‘tol…. Gumising ka!!!” , nanginginig ang boses ni Jepoy habang niyuyug-yog ang walang buhay na katawan ni Makoy. Nangilid ang luha mula sa mga mata ni Jepoy..

“Tooool!!! Hindi ka pa puwedeng mamatay… hindi mo pa binibigay yung combination ng vault!!!”

Nagbukas bigla ang mga mata ni Makoy, “Walangya ka akala ko pa naman concern ka sa’ken… 1….4…3…4…4 ugh… “, at sa pagkakataong ito tuluyan na ngang nalagutan ng hininga si Makoy.

“Makoooooooooooyyyyyy!!!!”

Sa Pagdaan ng Panahon

Hindi ko na maalala kung kelan ko huling naramdaman ang pakiramdam na ganadong-g anado akong magsulat. Excited ba? Nag uumapaw sa ideya, hindi mapakali ang mga daliri na para bang kating-kati sa pagtipa. Kailan na nga ba ang huli? Kahit balikan ko ang kalendaryo, mukhang hindi ako nakapag iwan nang ‘memo’ sa parteng ‘yun ng buhay ko.

Sinubukan kong magbalik-tanaw, binalikan kung paano ako natutong maglakad dito sa mundo ng blogosperyo. Kung papaano ako inalalayan nang mga taong una kong naging karanasan. Kung papaano ko unti-unting minahal ang konsepto ng paglalahad ng iyong saloobin gamit ang pagsusulat. Binalikan ang unang poste, mula sa mainit na pagtanggap nang mga aking naging kaibigan hanggang sa mga makukulit at minsa’y mahaharot na  palitan nang komento. Biglang may nag –flash sa isipan ko, “Anyare?”. Napabuntong-hininga ako, tapos natanong ko ang aking sarli, “Ou nga, anyare?”.

Sa totoo lang, hindi ko rin alam ang sagot sa katanungang iyan. “Nasaan na nga aba?” Andiyan lang naman. “Eh ba’t parang wala?”, hindi ko rin alam. Sinubukan ko naman, sinubukan kong bumalik. Subalit ang ideyang kanina lamang ipinunla, kahit di pa naman nasisikatan ng araw ay nangamatay na. Su’bok parin, balik-tanaw, click dito-click doon, dalaw ditto-dalaw doon. Para akong nakasakay sa time machine habang binabalikan ko yung dati, hanggang sa naramdaman ko na lang na may gumuguhit na palang ngiti na unti-unti nang nag mamarka sa aking mga pisngi.

Bigla kong naisip, “Ou nga, ang dami rin palang naka apekto, kung bakit hindi naman kasama sa plano eh parang naka-hiatus mode ako”.  Nandiyan ang trabaho, lablayp na kung minsan parang rubik’s cube na may pagka-komplikado, emosyon at kaniya-kaniyang  sirkumstanisyang ating kinakaharap sa pang araw-araw. Hanggang sa napagtanto ko, sa aking paghinto. Patuloy parin ang kalakaran sa mundong ito, minsan ka mang tumatak sa kanila. Darating ang panahon kung saan matatabunan ka rin ng yapak ng iba.

Isang Oras

Isang oras ang nalalabi bago matapos ang kabuoan ng araw ng trabaho ko. Isang oras na nais kong ilaan para sa kuta kong napag daanan na ng panahon at ngayon inaamag na. Isang oras na nais ko samantalahin hangga’t may pag kakataon pa. Isang oras na nais kong iaalay sa mga taong aking nakasalamuha sa virtual na mundong ito. Hindi ko man naka daupang palad ang ni isa sa inyo, minsan naman kayong nag iwan nang yapak sa akin na siya paring  binabalik balikan ko.

Isang oras…. isang oras na hindi maaring makuha ng lahat. Isang oras na sa marami ay hindi sapat. Subalit isang oras ang aking pagkaka siyahin para para mapunan ang aking kagustuhang salat. Kagustuhang makapag sulat, maiapahayag at maipamahagi. Kagustuhang sabihin sa inyo na ang lugar na ito at kayo ay namumukod tangi. Kagustuhang ilabas ang lahat nang aking saloobin. Kagustuhang sa isang oras ko na lamang pagkakasiyahin.

Hindi pa man lumilipas, pero pakiramdam ko ang bilis nang takbo ng oras. Hindi pa man lumilipas subalit tuyot na ang aking isipan kahit wala pa akong naipapamalas. Hindi pa man lumilipas, ngayo’y nag-da dalawang isip nang magpatuloy sa kaisipang ang aking daliri sa pagdura ay tuluyan nang nagasgas. Hindi pa man lumilipas at pakiramdam ko ang isang oras na meron ako’y inunahan na ako sa pagkaripas.

Isang oras, ngayo’y nalalapit na sa pagtatapos at hanggang ngayo’y pilit paring pinipiga ang utak upang sa katas makipag tuos. Sana’y maunawaan mo nang lubos kahit na ang istratehiya ay laos at sa sapat na diwa ay kapos, magpapatuloy ako’t ‘di magpapapigil kahit na ang aking pagbagsak sa aking puso ay tagos.

Maaaring iyong napuna, sa bawat nilaktawang mga salita. Ang talatang sa mahaba nag simula, tila ngayo’y nauupos nang kandila. Hindi ko maitatago na sa pagkaubos ng “isang oras” ko at sa pagpapatuloy ng mga daliri ko, lumalabas ang pagkabaluktot ng posteng ‘to.

Nasaan na nga ba? Nais ko lamang ay muling makapag sulat, subalit maging utak ko ay namalat na ngayo’y sa mensahe ay salat. Hiling ko sana ay muling mabigyan ng buhay, kahit na katiting kung meron man sa aki’y nananalaytay. Ipupusta ko ang aking pangarap na bahay basta’t huwag lamang ang aking pinakamamahal na Nanay.

Alam ko, at hindi mo na kailangan pang sabihin pa, “i know right” ika nga nang iba. Basta’t ang nais ko lamang ay tumipa, kahit na hindi angkop sa pagsisimula, na ang posteng ito ay lagyan ko nang kuwela.

Namiss kita, ou ikaw, hindi mo na kailangan pang magturo pa nang iba, ligaw na damo ka man o gamu-gamo pa. Basta’t marunong kang magbasa, tikom man o naka-nganga. Subukan mo ring tumipa, malay mo pagkatapos nito, magka “isang oras” pa.

Isang oras.

Dos

Bumukas ang pinto kasabay ng isang matandang babae na nakasalamin na may nakasunod na binatang nakasuot ng salaming tuwing tirik ang araw lamang isinusuot at may bitbit na maletang kulay berde.

“Ito ang magiging kuwarto mo” , habang binubuksan ang pintuan ng unang kuwarto mula sa main door ng boarding house na pansamantalang tutuluyan ng binata.

“Ito si Charles, siya ang makakasama mo sa kuwarto”, tumambad sa kaniya ang isang malaking mama na nakasuot ng kulay asul na jersey at may pagkasupladito. Pagbukas pa lamang ng kuwarto ay umalingaw-ngaw na ang dominanteng amoy ng lalake sa loob ng kuwarto. Isang bagay na ayaw na ayaw ni Kristoff. Lalaki si Kristoff ngunit ayaw niya nang amoy ng lalaki sa loob ng kuwarto. Ayaw niya ang amoy ng pundang hindi nalabhan na animo’y hinimlayan ng ermitanyo nang matagal na panahon. Ang amoy ng telang akala mo’y isang dekadang pinawisan. Ang mangasim-ngasim na amoy mula sa pagkaka tanggal ng sapatos at kung anu-ano pa.

Hindi naman siya maarte, dahil lumaki sa isang mahirap na pamilya ang binata. Sadiya lamang na hindi sinasang-ayunan nang kaniyang pang amoy and mga ganuong klaseng bagay. Sa ganuong bagay lamang siya sa maselan. Iginala pa nang matanda ang binata sa loob at ipinakilala sa mga ibang nakatira din doon. Isang buong palapag ang inu-okupa ng pansamantalaga niyang titirhan. Para itong hinati sa gitna, ang kanang bahagi ay nahati sa tatlong kuwarto, dalawang inu-okupahan ng mga lalaki at ang pinakadulo naman ay sa mga babae. Samantalang ang kalahati sa kaliwa naman ay ginawang sala, hapagkainan, kusina at maliit na espasyo para sa palikuran.

A kinse ng Disyembre taong 2012 nang lumipat si Kristoff sa bahay na kaniyang titirhan. Nag-ayos siya ng kaniyang mga gamit. Isinabit ang bag, ipinosisyon ang basket na paglalagyan ng mga maruming damit at isinalansan ang mga damit sa ipinahiram na kahong plastik na may divider animo’y nagsisilbi nitong bawat palapag. Nakahiwalay ang damit panlakad mula sa pambahay, may kaniya-kaniyang kahon ang bawat damit base sa klasipikasyon nito. Mula sa mga panloob, shorts, mediyas at mga pantalon. Maging ang ginagamit niya sa kaniyang katawan na pang linis, pabango at kung ano pang mga anik-anik ay may sarili ring espasyo sa loob ng kahon. Pagkatapos mag-ayos ng mga damit ay naisipang magwalis ni Kristoff, nagpunas ng kaunti, nag-spray sa loob ng kuwarto gamit ang pinaglumaang pabango at inilagay ang sapatos sa ilalim ng kamang higaan.  Masasabing maayos at may pagka-OC ang lalaking ito base sa mga kilos niya.

Hapon na ng magising si Krsitoff at sakto naman at wala itong pasok kinagabihan. Lumabas ito para maligo, mediyo pipikit-pikit pa ang mga mata. Dinampot niya ang tuwalyo at isinukbit sa kaniyang balikat, saka nagtungo sa may tukador sa itaas lababo para kunin ang kaniyang habonera. Bago tuluyang pumasok sa banyo, naisipan muna niyang magsipilyo bago maligo. Dinampot ang sipilyo, nilagyan ng toothpaste at habang abala ang kaniyang balikat at likod sa pagyugyog gawa ng pagsisipilyo.

“Pssssst!”, narinig iyon ni Kristoff

“Pssssst! Huy!”, narinig niyang muli iyon subalit hindi niya nilingon kung sino man ang mapangahas na naninitsit sa kaniya. Tuloy lang siya at nag e-enjoy habang ginagalugad ng kaniyang sipilyo ang bawat sulok ng ngipin niya’t gilagid.

“Hoy! Suplado!”, tinig ng isang babae subalit may kababaan ang tono nito. Nagbuga ng tubig si Kristoff, nagpunas ng bibig gamit ang tuwalya saka nilingon ang babae. Nakasilip ito sa may pinto ng kanilang kuwarto na tapat ng kusina. Nakalabas lamang ang ulo na nakasandal sa may dulo ng pinto, ilang bahagi ng balikat lamang nito ang nakalabas habang ang kanang kamay ay nakalapat sa may pintuan animo’y nakasuporta rito.

Tinignan lamang ni Kristoff ang babae, ngunit hindi niya ito nginitian. Bagkus tinignan lamang niya ito na para bang nagtatanong nang, “bakit?”.

“Bago ka rito?”, “Oo”, sagot ng binata. “Kelan ka pa lumipat?”, “Kahapon ng hapon”, sagot nito. “Aaaah..”, habang binababa-taas ang ulo na animo’y parang may iniisip. “Bakit?” tanong ng binata. “Wala naman, natanong ko lang, miminsan lang kasi ako makakita ng ibang tao dito eh..” sagot ng dalaga. “Aaah, ganun’ ba?”, balik nito.

“Ako nga pala si  Jaanisha”, sabay abot ng kamay nito sa binata.Humakbang palapit ang dalaga sabay ini-abot ang kamay sa binata tanda ng pormal na pag-papakilala. Sa tantiya niya ay nasa labin-walo hanggang labin-siyam na taong gulang ito, ‘di katangkaran, maputi, balingkinitan ang pangangatawan at may pagka-cute.

Pigil na napatawa ang binata ng di sinasadiya sabay takip ng bibig gamit ang tuwalya habang nakatingin sa dalagang nasa harapan niya. Tinitigan siya ng dalaga at kumunot ang noo nito subalit naka-abot parin ang kamay sa binata.

“Dionisha?”, habang pinipigilan parin nito ang pagtawa dahil sa pagkamangha mula sa narinig. “Hindi! Jaanisha, Jaa-ni-sha”. “Aaah, ako nga pala si Kris–”, naputol ang pag-papakilala nito nang tangkang aabutin din nito ang kamay ng dalaga. “Hmmpf! Dibale na lang, ayokong makipag kilala at higit sa lahat makipag kaibigan sa isang bastos na kagaya mo! Tapos hahawakan mo pa ang kamay ko. Nyek! nyek! mo! Magka-allergy pa ako! Diyan ka na nga! Bastos!”.

Agad na binawi ng dalaga ang kaniyang kamay, tumalikod at naglakad pabalik ng kaniyang kuwarto na parang batang nagmamaktol. Natigilan ang binata, alam niyang hindi tama ang inasal niya lalo pa’t ito ang unang pagtatagpo ng dalawa. Hindi na nakapagsalita ang binata dahil bago pa may lumabas na salita sa bibig nito ay lumagapak na ang pintuan ng kuwarto ng dalga mula sa pagkakasara.Nagkibit-balikat na lamang si Kristoff at nagtunog na sa banyo upang maligo.

 Umaga nang dumating si Kristoff sa kanilang building mula sa trabaho. Naka long-sleeve na polo itong may stripes na pula, naka tight na maong na kulay gray, naka suot ng itim na chucks at naka shades. Paakyat siya sa hagdanan ng building patungo sa ikalawang palapag nang maulinagan niya si Jaanisha na nag-sasampay habang humihimig ng isang kanta. “Hi! Dionisha!”, bati nito sa dalaga.

Babatiin din sana pabalik ng dalaga ang binata nang mapag-tanto niyang mali ang pagkaka-banggit ng kaniyang pangalan. “Che!”, sigaw nito. “Pa-shades shades pa hindi naman tirik ang araw”, dagdag pa nito. Narinig ito ni Kristoff, nagpatuloy lamang ito sa pag-lalakad at saka ngumiti.

Isang gabi nang lumabas si Kristoff sa kuwarto nito para kumuha ng tubig na maiinom sa kusina ay nadatnan niya duon si Jaanisha na nag-luluto. “Hmmmn, ambango naman niyan…”, tukso ng binata habang hawak-hawak ang baso ng tubig sa kamay nito’t paunti-unting tinutungga. Nag-gigisa ng bawang na hiniwa sa maliliit na piraso si Jaanisha at isinunod nito ang hiniwang sibuyas na nagpa-dagdag sa bango nito. “Hu—waaaw, hmmmmn, ang sarap naman naman niyan talaga!”, dagdag pa nito ngunit hindi parin siya pinansin ng dalaga. Saka sunod na inilagay ang hamon na hiniwa sa malilit na piraso. Tuloy parin sa paglagok ang binata habang nakatingin sa ginigisa ng dalaga.

Isusunod na sanang ilagay ni Jaanisha ang kaning lamig na nilamas, nang biglang. “Ooops! ooops! oooops!”, biglang sigaw ni Kristoff. “Oh, ano nanaman?! wala ka talagang magawa ano?! Mam-buwi-buwisit ka nanaman ba?”, asik nito sa binata. “Sungit mo namaaaaaan,,,” sa malambing nitong boses. “Gusto ko lang sanang tumulong, kasi parang mali yung ginagawa mo…” dagdag pa nito. Dadag-dagan pa sana nito sinabi nang biglang putulin ni Jaanisha ang kaniyang pananalita. “Tumahimik ka nga! Alam ko ginagawa ko!! Hmpf! Buwisit!”, pasungit na baling nito sa binata sabay irap dito.

“Sayang, tutulungan pa naman sana kita. Ikaw din…..”, panunuya nito sa dalaga habang nilalapag ang basong pinag-inuman sa lababo Tatalikod na sana ito, subalit. “Sige nga! Sabihin mo nga sa akin kung anong maling ginagawa ko?! Oh, itong sandok!”, panunubok ni Jaanisha kay Kristoff. Napangiti ito subalit mediyo alangan ang binata na abutin ang sandok dahil alam niya sa kaniyang sarili na hindi siya marunong pagdating sa kusina. Ganuon din naman ang dalaga kaya niya sinubok ang binata. Subalit hindi magpapatalo ang binata at kinuha ang sandok mula sa pagkakahawak ng dalaga.

“Akina’, tiyaka, siyansi ang tawag dito hindi sandok. ‘tamo dito pa lang mali ka na.”, sabi nito. “Yeah, whatever…. Sige na! gawin mo nang ‘tama!’ yung ‘maling’ ginagawa ko!. Bilis nagugutom na ang mga alaga ko!”, pasungit paring baling nito sa binata.

“Nakita mo yang mga bawang? Dapat bago mo ilagay ang kanin eh, kulay gold yan or dapat mediyo brown na ang kulay niya”, nagtaas ng kilay ang dalaga subalit mediyo namangha sa sinabi ng binata. Pag-aakalang alam nito ang kaniyang ginagawa. Subalit patuloy parin na nakakunot ang noo nito, habang pinapanuod ang ginagawa ng binata at nakapa-ekis ang dalawang braso sa dibdib nitot’ naka-ipit sa magkabilang kili-kili ang dalawang mga kamay.

Maingat at patuloy sa pag-giya ang siyansi sa ibabaw ng kawali animo’y nagsasayaw sa ndayog ng musikang nanggagaling sa binata. “Ayaaaan, ayus! Paabot nga nung kanin” utos ng binata kay Jaanisha. “Oh!”, pagalit na sabi nito. Isinalin ng binata ang kanin sa kawali at patuloy na hinalo-halo na para bang naghahalo ng semento saka binudburan ng kaunting asin.

Mahigit limang minuto naring patuloy na hina-halo ng binata ang kanin sa ibabaw ng kawali na nag-ngingintab sa mantika at may mga bahagi itong nagkukulay brown. Naamuy ni Jaanisha ang halimuyak ng sinangag. Tumunog ang tiyan nito sa gutom, at hindi iyon napalagpas ng tainga ng binata at ito’y napangiti. Pinatay ni Kristoff ang kalan. “Ayaaan, sa wakas na tapos na rin. Whew, pinagpawisan kili-kili ko dun ah. Me’ tumulo pa nga ata diyan sa kanin eh. Hahaha”, nagawa pa nitong magbiro kahit hindi niya alam kung maganda ba ang lasa ng kinalabasan ng niluto nito.

“Tabi!”, sabi ng dalaga at napagilid ang binata ngunit hindi kalayuan sa dalaga. Dumampot ng kutsara ang dalaga saka sumandok ng kaunti. “Ano..? okay ba yung ‘Lauriat ala King Kristoff ko?”, pagmamayabang na tanong ng binata kahit sa likod ng isip niya ay may nagsasabing “sana masarap, sana masarap”. Nakatitig lamang ang binata sa dalaga, inaabangan ang magiging reaksiyon sa mukha nito na para bang hinihimay ng kaniyang dila ang bawat butil ng kaning nasa loob ng kaniyang bibig.

“Hmmmmn,” pambibitin ng dalaga habang halos mapanga-nga ang binata sa paghihintay ng sasabihin nito. “Hindi na masama, para sa isang tulad mo na puro pambuwi-buwisit lang ang alam.”, aniya na halatang ayaw ipahalata na nasarapan siya sa kinalabasan ng pag e-eksperimento ng binata. ‘Yes!’, sa isip-isip ng binata. “Welkam…”, bulaslas nito habang nag-pupunas ng pawis sa noo.

Kumuha ng dalawang pinggan ang dalaga at inilapag sa mesa. Nilagyan ng sinangag na mukhang lauriat at niyaya ang binatang kumain. “Halika na, sabayan mo na akong kumain”, paanyaya nito ngunit wala paring lambing sa mga boses nito. “Okay lang, busog pa ako”, sagot nito.”Halika na, huwag ka nang maarte, tiyaka hindi ko rin naman mauubos ‘yan mag-isa”, sagot nito. “Hmm, eh parang ayaw mo naman talaga akong yayain eh. Halatang napipilitan ka lang. Bigay mo na lang dun sa mga kasama mo”, kunwari’y nagtatampo subalit ang totoo’y nanunuya ito.

“Ang arte mo! Halika na nga dito sabi eh!”, pagalit na baling ni Jaanisha. “Oh, tamo! Nag tra-transform ka nanaman. Paano ako lalapit, tinatakot mo ako. Kulang na lang eh, tumubo yang mga pangil mo”, panunuya nito sa dalaga. Animo’y natatakot pero halata naman sa mukha ang nakakalokong ngiti nito. Naningkit ang mga mata ni Jaanisha at patuloy lamang itong naka-titig sa binata. “Oh, ayan ka nanaman eh. Ayusin mo kasi yung paanyaya mo sa’kin. Para naman kasing ayaw mo talaga akong makasalo sa pagka’in eh..”, dagdag pa nito.

“Eh, ano ba kasing paanyaya ang gusto mo serrr?!”, pasungit na sagot nito. “Gusto ko, yung mediyo me lambing naman ng kaunti. Kahit pilit, okay lang…”, nakangiting balik nito sa dalaga akala mo’y maaong tupa sa pangungumbinsi  nito. “Mukha mo!, manigas ka diyan sa gutom! Basta ako kakain ako at gutom na gutom na ako! Hmpf!”, tumalikod na ang dalaga at humarap sa pagkain. Aktong susubo na sana ito, “Aaahhhh…shhhhh, ang sakit ng kanang braso ko, ayshhhhh…tsk!”, pag paparinig ni Kristoff kay Jaanisha nang makita niyang nakanga-nga na ito para isubo ang kanin sa bibig niya. Habang hawak-hawak nito ang itaas na bahagi ng kaniyan gbraso malapit sa balikat at iniikot patalikod na para bang kakatapos lang maghalo ng semento sa construction.

Nilapag ni Jaanisha ang kutsarang may kanin sa pinggan niya at napabuntong hininga bago tuluyang nilingon ang binata. “Ano ba kasi?! Nagugutom na ako…umupo ka na kasi dito sa tabi ko, kainis naman eh! Ano ba gusto mong gawin ko para saluhan mo na ako sa pagkain?”, inis nang dalaga sa lalakign kaharap. Kunwari’y ayaw tumingin ng binata sa nakakunot noong dalagang nakaharap sakaniya at kunwari’y nag iisip habang nakanguso. Bahagyang tumingin ito sa dalaga na natitig parin sakaniya. “Sige, u-upo ako para kumain kung gagandahan mo ang paanyaya mo sa akin….”, sabi nito na parang batang sinusuyo at inaalok ng candy. Hindi umimik ang dalaga at patuloy paring natitig sa kaniya at ramdam mo ang inis sa mga mata nito. “Sige na kasi….. sumakit kaya talaga ang kanang braso ko, kakahalo ng kanin na yan.. feeling ko nga eh, na dag-dagan na ang triceps ko….four-ceps na”, kunwari’y sumimangot. Napapigil ng tawa si Jaanisha sa hitsurang iyon ni Kristoff. “Oh siya, sige na, halika na po dito, kamahalan at tayo’y kakain na……”, malambing na sabi nito.

“Ayan…. Kaya mo naman pala eh…akshuli, kanina pa talaga ako nagugutom..hehehe”, nakangiting sabi nito. “Hmpf! Mukha mo!”, mahinang sabi ng dalaga. Tinignan lang siya ni Kristoff tiyaka nginitian. Mabilis na sumubo ang dalaga dahil sa gutom nito. Nagtataka siya na parang ang tahimik ng katabi niya. Isusubo na sana niya ang pangatolong kutsara ng kanin habang nginuguya ang pangalawa nang mapatingin siya sa binata. Nakapikit ito at nakayuko. Taimtim itong nagdarasal, pasasalamat para sa pagkaing nasa harapan niya.

Napatigil sa pag-nguya si Jaanisha na para bang namangha sa hitsura ng lalaking nakapikit na nasa tabi niya. ‘Di niya sukat akalain na ang isang alaskador, antipatiko at ubod ng yabang na tulad niya ay marunong din palang magdasal.

Nagbukas ang mga mata ni Krsitoff. Nanatiling nakatitigparin sakaniya si Jaanisha. Nilingon ni Kristoff si Jaanisha nang mapansin niyang nakatitig dito ang dalaga. Ibinaling ni Jaanisha ang tingin sa kinakain saka sumubo. “Marunong ka rin palang magdasal,” usal nito habang ngumunguya. “Oo naman no, igaya mo naman ako sa’yo…”, pang aasar nito sabay subo sa unang kanin. Umirap ang dalaga, mukhang nag-kamali ata ito sa akala.

Madaling araw ng maalimpungatan si Jaanisha. Lumabas ito para kumuha ng maiinom na tubig. Mediyo pipikit-pikit pa ito nang lumabas ng kuwarto at hihikab-hikab pa habang nagpupungas ng mata. Naglakad ito papunta sa lababo kung saan nakapatong ang gallon na lalagyan ng tubig. Kumuha ng baso, inikot ang pihitan ng gripo, saka isinara.

Tuluyan nang nagbukas ang mga mata nito para tunggain ang tubig mula sa baso nang mapasinghap siya sa gulat dahil may taong naka-upo na nakaputi sa tabi niya. Binatukan niya ang lalaking walang kamuwang-muwang na naka-upo at nakasuot ng earphone habang naka-pikit.

“Aray, kuh!”, tinanggal agad ni Kristoff ang earphone sa tenga niya at nilingon kung sino man ang pangahas na nambatok sa kaniya.

“Bakit mo ginawa, yon?!”, naka-kunot noong tanong nito sa dalaga.

“Magsalita ka naman kasi, papatayin mo ako sa nerbiyos eh!”, asik ng dalaga.

“Tapos naka-puti ka pa!!”, dagdag pa nito.

“Tae neto’, malay ko bang andiyan ka?! Nanahimik ang tao dito eh….”, naka-kunot parin ang noo nito habang hinihimas ang batok. Dahil halos tumama ang mukha niya sa lamesa sa lakas nang pag-kakasapok ng dalaga.

“Sorry, nagulat ako eh…”, biglang huminahon ang boses nito. Maaring napagtanto nito ang pagkakamali niya. Nilapag ni Jaanisha ang basong may tubig sa mesa at naupo malapit kay Kristoff.

“Ano ba kasing ginagawa mo dito ng medaling araw? Diba may pasok ka?”, tanong ng dalaga.

“Maaga kaming pina-uwi sa trabaho”, sagot nito habang binabalik ang earphone sa tainga niya.

“Bakit?”, na halos buka nang bibig lamang ang maiintindihan mo dahil panay musika na ang naririnig ng binta.

“Hah?!”, tanong binata na napalakas na pala ang boses.

“Sabi ko…, Baaa-keeeeeet..?!” na inilapit ang bibig sa tainga ng binata saka tinaggal ang earphone sa kaliwang tainga nito.

Napataas ang kaliwang balikat ni Kristoff sa lakas ng boses ni Jaanisha na tumama sa kaliwang tainga nito at napa-pikit  animo’y parang kini-kiliti.

“Aysha!!!”, napaigtad si Kristoff sabay lagay ng hintuturo niya sa kaliwang tainga animo’y nililinisan sa pagkatuliling nito.

Hagikgik si Jaanisha sa reaksiyon ng mukha ni Kristoff. Parang batang tuwang-tuwa sa pinapanuod na pelikula, kulang na lang ay tumulo ang laway na nito sa kakatawa. Nag-iba ang reaksiyon ng mukha ni Kristoff na para bang sumeryoso. “Teka…., nagmumog ka nab a?”, sabay punas sa kaliwang tainga nito at saka inamoy. “Hmpf!, ano ba yan! Amuy kahapon pa! tsk! Nag sipilyo ka ba?”, sa pagkakataong ito si Kristoff naman ang babawi. Napasimagot bigla si Jaanisha. “Mukha mo!, kahit hindi ako mag sipilyo ng isang taon! Mas mabango parin ang hininga ko sa’yo! Hmpf! Diyan ka nga! Buwisit! , antipatiko!” tatayo na sana siya ng biglang hawakan ni Kristoff ang braso niya.

“Tignan mo ‘to, pagkatapos akong istorbohin at sigawan, iiwan ako dito mag-isa. Dito ka muna, samahan mo muna ako…please..?”, pangungumbinsi nito. Ba’t ko naman sasamahan ang lalaking ito. Sa isip-isip niya. Mamaya kung ano pang gawin sa’kin nitong manyak na’to. Nakahawak pa sa kamay ko.Saka niya tinignan ang binata mula sa pagkakatingin nito sa kamay nitong nakahawak sa kamay niya.

“Kamay mo!”, asik nito.

“Ay! Sorry….”,  pangiting sabi nito. “Ba’t ba ang sungit-sungit mo sa’ken?”, tanong ng binata. “Eh, pa’no, kasungit-sungit ka naman talaga!”, hindi parin nagbabago ang mood nito. “Ano ba kasing ginagawa mo dito at medaling araw eh dito ka pa nag sa-sound trip?”, tanong nito sa binata. “Eh, ayoko dun sa loob kuwarto eh. Mainit tiyaka kulob ang amoy”, sabi nito.

“Arte namaaan, parang ‘di lalaki”, pang aasar ni Jaanisha sa binata. Hindi umimik si Kristoff. Sa isip-isip tuloy ni Jaanisha eh binabae talaga ito. “Eh, ikaw ba’t gising ka pa?”, balik na tanong nito sa dalaga. “Naalimpungatan ako eh, eh.. nakaramdam ako ng uhaw kaya lumabas ako para kumuha ng tubig”, sagot nito. “Nauhaw ka, kaya mo ako binatukan ng pagka-lakas-lakas ganon’?!”, sumbat nito sa dalaga. “Eh, tinakot mo ko eh. Malay ko bang andiyan ka pala. Buti nga hindi ka nakaharap kung hindi baka inatake na ko sa puso. Hahaha!”, pang-aasar nito.

“Ang ganda mo teh ah?!”, asar na sabi ni Kristoff. “Teka nga, maiba ako. Ba’t ba ang sungit-sungit mo pala saken?”, tanong nito sa dalaga. Napasimangot bigla ang dalaga dahil sa tanong na iyon ng binata. “Oh, tignan mo ‘to… nagtatanong ako ng maayus eh. Huwag mong sabihing susungitan mo nanaman ako?”, manghang tanong nito sa dalaga.

“Ewan ko sa’yo!”, na para bang nag-ibang anyo nanaman ang dalaga sa paningin ni Kristoff. Hanggang ngayon ay hindi parin alam ni Kristoff ang dahilan kung bakit sobra na lang kung magsungit sa kaniya si Jaanisha buhat nung una nilang pagkikita. “Hindi mo talaga alam kung bakit?!”, asik nito. “Hindi…. kaya nga ako nagtatanong eh. Nagtataka lang kasi ako na para bang sa tuwing nakikita mo ako eh kumukulo ang dugo mo..”, tanong nito.

“Hindi ‘parang’, talagang kumukulo ang dugo ko sa’yo”, na para bang nanggigil habang sinasabi ito. Nagkibit-balikat ang binata. “Gusto mo talagang malaman?”, tanong ng dalaga. “Ikaw, sasabihin mo ba?”, balik nito. “Naalala mo ba yung unang pagkikita natin ditto sa bahay?”, tanong ni Jaanisha kay Kristoff.

Napakunot noo ang binata at ang mga mata’y nakatingala na para bang inaalala ang una nilang pagkikita. Sakai to biglang pigil na natawa nung bumalik sa kaniyang isipan ang una nilang pagkikita. “’tamo na! hmpf!”, sabi ng dalaga. “ Diyan ka na nga!”, tatayo n asana ito ng pigilin siya ni Kristoff. “Teka muna, sandal…. sorry, sorry”, may naalala lang kasi ako nung gabing ‘yun.” Sabi nito habang pinipigil ang tawa. “Sorry na…..hindi mo pa nga sinasagot ang tanong ko eh…”, panunuyo nito.

“Che!”, asik ng dalaga.

“Ano ba kasi yun…?”, pagpapatuloy ng binata.

“Bakit ba ang sungit-sungit mo sa’ken Dionisha?”, dag-dag nito. Sabay,…

“Pak!”, “Aray ku!”, sinapo ni Kristoff ang kaliwang pisngi nito.

“Bakit? mo ginawa yun?!”, nakakunot noong tanong nito sa dalaga.

“Hindi Dionisha ang pangalan ko! Jaanisha!”

“Ano?”

“Jaaa-ni-shaaaa”

“Spell..”

“J….A….eh—“

“Teka, bakit ko ba ini-spell ang pangalan ko..”, nang mapansin nitong nakangiti ang binatang nakatingin sa kaniya na para bang manghang-mangha habang seryoso nitong ini-spell ang kaniyang pangalan.

“Hihihi”, “Alam ko na pangalan mo, Jaanisha. Tinanong ko kasi yung roommate mong si Krystel kung may problema ka ba. Tapos nakuwento ko yung unang pagkikita natin. Hagalpak siya sa kakatawa pagkatapos marinig yung kuwento ko. Tapos sinabi nga niya, na madalas ka raw asarin sa pangalang Dionisha, at baka ‘yun daw ang dahilan kung bakit mo ako sinungitan at patuloy na sinusungitan buaht nang una nating pagkikita”, pagpapaliwanag nito.

“Sayang, cute ka pa naman sana…”, bulong nito sa sarili..

“Ano?!”

“Wala, cute ka sana kako kaso bingi ka..” sagot ng binata sa dalaga na pinipigilan ang ngiti dahil sa narinig.

Nagka-kuwentuhan ang dalawa. Nakipag-palitan ng kuwento sa isa’t-isa. Mula sa personal na buhay at kung anu-anong aspeto nang pagiging tao. Nagtatawanan sila na para bang minsa’y hindi sila naging parang aso at pusa kung mag turingan. Meron pang minsang napa-papalo si Jaanisha sa binata dahil sa mga pabirong banat nito at sa mga lokong komento niya sa mga kasama nila sa bahay lalo na sa may-ari ng boarding house na tintirhan nila na si Tita Fely.

Ang kuwentuhan ay nauwi sa asaran, tawanan, buhay pag-ibig , hanggang sa masigawan tapos tawanan ulit. Dito nalaman ni Kristoff na beinte-dos anyos na pala si Jaanisha at nagtratrabaho sa isang kagawaran sa gobyerno. Nagtapos na iskolar sa Unibersidad ng Pilipinas na siya namang ikinamangha ng binata. Nalaman din niya na kakahiwalay lang pala nila ng boyfriend nito at napansin niya ang pagkalungkot habang kinukuwento niya ang kaniyang nakaraan. Pala-kuwento si Jaanisha at tuwang-tuwa si Kristoff habang pinagmamasdan niya itong nagkukuwento, mula sa kumpas ng mga kamay, reaksiyon ng mukha aakalain mo talagang andun ka dahil sa sobrang detalyado magkuwento ng dalaga.

Napansin ni Jaanisha na nakatitig lang sakaniya ang binata na para bang natutulala.

“Huy!”

“Inaantok ka na ata eh”, tanong nito.

“Ah, hindi natutuwa lang ako sa mga kuwento mo. Tandang-tanda mo kasi bawat detalye eh”, sagot ni Kristoff..

“Siyempre ako pa! nag memory plus yata to!”, pagmamayabang ng dalaga

“Oh, ikaw naman, masakit na panga ko kakakuwento eh. Teka, mula kanina pa tayo nag kukuwentuhan, tumilaok na’ng manok lahat-lahat hindi ko parin alam ang pangalan mo”, dagdag nito.

“Ako nga pala si Igor”, sabay seryosong iniabot ang kamay sa dalaga bilang pormal na pagpapakilala ng sarili habang nakangiti.

Nagpipigil ng tawa pagkarinig ng sinabing iyon ng binata. Hindi na siya nag pigil pa at tuluyan ng sinapo ang tiyan at hugalpak sa kakatawa.

“Hooooyy!!!”, mula sa malaking boses ng lalaki kasabay ng malakas na dabog mula sa dingding ng kalapit na kuwarto na nasa gitna. Marahil ay nagising sa malakas na tawa ng dalaga.

“Ssssshhhhhhhh”, sabay lagay ng hintuturo sa bibig ni Kristoff hudyat para patahimikin ang dalaga. Patuloy parin sa pagtawa si Jaanisha, namumula na ang mukha nito at halos mahulog na siya kinauupuan dahil sa kakatawa. “Ang panget ng pangalan mo…hahaha”, patuloy parin sa pagtawa si Jaanisha animo’y di maka get over sa narinig.

“Sssssshhhhh, huwag ka maingay….. Halika dun na lang natin sa labas ituloy yung kuwentuhan nating dalawa..”, sa mahina nitong boses.

Tumayo na si Kristoff at niyayaya na niyang sumama sa kaniya si Jaanisha dahil baka sa susunod eh labasin na sila ng mama na nagising nila. Hindi parin tumatayo si Jaanisha at patuloy parin sa pagtawa, sapo parin niya ang tiyan niya at halos hirap na sa paghinga. Pinipigilan niyang tumawa pero hindi niya magawa. Mula pagtayo hanggang sa marating nila ang labasan at umupo sa upuan na naka set up sa hallway ng building nila eh patuloy parin sa pagtawa si Jaanisha.

“Aha…hahahah, hah, “, sabay hinga ng malalim tapos tawa ulit.

“Hihihi, hahahaha, Igor talaga ang pangalan mo? Hahaha”, hindi parin ito makapaniwala at para bang manghang mangha parin sa narinig kanina pa.

“Tumigil ka na nga…”, sa mahinang boses sabay pinanlakihan ng mata si Jaanisha

“He,.. hihihi… ang panget kasi talaga ng pangalan mo.. Igor!”, saka humagalpak ulit ng tawa.

“Ssssshhhhh, ang ingay mo”, mahina parin ang boses nito. Tinakpan ni Jaanisha ang bibig niya subalit tuloy parin sa kakatawa. Walang magawa si Kristoff para patigilin ito kaya nakitawa na lang din ito kahit hindi niya alam ang dahilan kugn bakit ito tumatawa. Napuno ng tawanan ang paligid. Pasalamat na lamang sila at mukhang mahina ang dating sa loob ng bahay ng mga kapitbahay ang ingay na nagmumula sa labas kaya hindi sila nasigawan.

Parang baliw na nagtatawanan ang dalawa. Magtitinginan sabay tatawa, tapos tatahimik, magtitinginan, tapos tatawa ulit. May pagkakataon pa ngang sa sobrang tawa eh napautot si Krisotff na pinagsimulaan nanaman ng matinding tawanan.

Hindi lamang ‘yun ang una’t huling pagkakataon na nagkasama, nagka kuwentuhan at nagkatawanan ang dalawa. Sa ikli ng panahon ng pagkaka-kilala nila eh para bang palagay na agad ang loob nila sa isa’t isa. Meron pa ngang minsa’y natutukso sila dahil sa sobrang malapit sila sa isa’t isa. Malinaw kay Kristoff na gusto niya si Jaanisha. Subalit ang dalaga naman ay mediyo naguguluhan sa ikinikilos ng binata patungkol sa kaniya’t apektado nun ang kaniyang damdamin. Napapansin niya ang pagiging malambing ng binata sa kaniya subalit hindi pa niya alam kung handa na ba niyang talikuran ang kaniyang nakaraan at tanggapin ang nararamdaman ng binata para sa kaniya. Alam niyang hindi pa nagtatapat ang binata subalit may pakiramdam din siya na, doon din ang patutunguhan nun at kailangan niyang ihanda ang kaniyang sarili kung sakali man na dumating ang araw na iyon.

Isang gabi nagkaroon ng kasiyahan sa bahay na tinitirhan nila. May kantahan at meron din naming inuman. Magkalapit ang upuan nila Kristoff at Jaanisha sa harap ng hapag –kainan kung saan nakapatong ang mga pagkain at inumin sa harapan nila. Habang nagkaka-siyahan ang lahat at masayang nagtatawanan at nagkukuwentuhan. Tahimik naman na nag-ussap ang dalawa at ipinatong ni Kristoff ang ulo niya sa kanang balikat ni Jaanisha. Ikinagulat iyon ng dalaga subalit hinyaan na lamang niya. Marahil ay dala na rin ng kalasingan kaya ganun ang ikinikilos ng binata.

“Teka nga, umamin nga kayon dalawa. Kayo ba o hindi?”, tanong ni Tatay Bong na siyang katiwala sa bahay na tinitirhan nila. Napalapit na rin si Tatay Bong sa mga nakatira duon dahil siya ang takbuhan lagi sa tuwing nagkaka-problema sa bahay.

“Huh? Naku! Hindi po..”, biglang sagot ni Jaanisha.

“Eh, kasi ang sweet-sweet niyo sa isa’t isa. Tingnan mo nakapatong pa yung ulo niya sa balikat mo. Eh,…. Aakalain ko talagang kayo nga”, dagdag ni Tatay Bong.

“Naku, hindi, hindi ho talaga, Hindi Tatay Bong, magkaibigan lang ho talaga kami.”, sagot ng dalaga na umi-iling iling pa habang nagsasalita. Habang tinutukso naman siya ng iba nilang kasama sa bahay.

Narinig ni Kristoff ang pag-uusap ng dalawa subalit pinanatili nitong ang pag-kakapikit ng kaniyang mga mata animo’y natutulog.

“Good night!”

“Good nigh!”

“Night!”

“Ingat!”

“Sige, oh matulog na ha?”, pagpapaalam ni Tatay Bong bago tuluyang umakyat sa ikatlog palapag ng gusali kung saan siya nakatira.

Natapos na ang kasiyahan at tuluyan nang nag paalam ang mga kasama nila sa inuman. Naiwan sina Jaanisha at Kristoff at sila ang nagligpit ng mga ginamit na pinggan at natirang pagkain. Natapos silang nagligpit. Pumasok ng kuwarto si Jaanisha at ganun din si Kristoff. Naisipan ni Kristoff na maligo kaya dinampot niya ang kaniyang tuwalyang pamunas at pumasok sa banyo.

Binuksan ni Kristoff ang gripo at patuloy na pinagmasdan ang tubig na nagmumula dito na dumadaloy patungo sa malaking timbang nasa harapan. Natutulala siya habang patuloy na bumabalik sa kaniyang isipan ang pag-uusapan nila Tatay Bong at Jaanisha kanina habang sila’y nag-iinuman.

“Aaaarghhh! Hindi! Hindi! Hindi puwedeng kami, haaaay…”, napabuntong hininga siya habang tahimik na kinakausap ang sarili.

“Tsk! Haaaaaaaaaaay! Pa’no kaya?”, malinaw kay Kristoff ang tumitinding pagka-gusto niya kay Jaanisha. Subalit alangan siyang magtapat nang nararamdaman dito. Lalo pa’t nagkakaroon na siya ng pagkakataon para makalapit ditto ng hindi siya sinusungitan ng dalaga na nakikipag kuwentuhan at nakikipag tawanan pa sa kaniya, ayaw niyang masira ‘yun.

“Aysha!, bahala na! tsk!”, nagbuhos na ng tubig ang binata gamit ang tabo sa timba. Natapos itong maligo at nang ito’y lumabas nakita niya ang dalaga na naka-upo sa harapan ng lamesa at nakaharap sa kaniyang laptop.

“Oh, gising ka pa?”, tanong ng binata.

“May paglalamayan akong report eh”, sagot ni Jaanisha.

“Ikaw ba’t gising ka pa?”, balik na tanong nito.

“Natulog ako sa banyo, nakitang nakatapis eh, nagtatanong pa. Isip-isip din pag may time”, pamimilosopo nito.

“Mukha mo! Ewan ko sa’yo! Magbihis ka na nga, yang tiyan mo ang laki! Kadiri ! yuck!” , at tuluyan na itong humarap muli sa kaniyang kompyuter. Dumaan si Kristoff sa likuran nito at inundayan ng sapak ang dalaga.

“Huwag mo nang ituloy, nakikita kita ditto sa screen reflection”, pagbabanta nito.

Napakamot na lamang ng likod si Kristoff at kung anong naisipan niya’y binatukan niya ng mahina si Jaanisha saka mabilis na tumakbo sa kaniyang kuwarto.

“Arrggggggh!!!! Bastos ka talaga!!! Humanda ka sa’ken mamaya!”, galit na binantaan ang binata habang ang binata nama’y pigil ang tawa pagka pasok sa kuwarto.

Natapos magbihis ang binata at binuksan ng bahagya ang pintuan ng kaniyang kuwarto. Inilabas ang ulo at sumilip sa may sala. Wala na ang laptop sa lamesa at nakapatay na rin ang ilaw.

Biglang.. “Pok!”

“Aww!”, may pumalo ng walis tambo sa ulo nito at saka siya piningot sa tainga palabas ng kuwarto.

“Aray! ara-ara-ara….”, hindi mabigkas ng maayus ni Kristoff ang salitang aray habang pahilang pinipingot ang kaniyang tainga. Nagbukas ang ilaw at tulyan nang binitawan ng pangahas ang kaniyang tainga.

“Dionisia?, este Jaanisha? awww…..”, binawi kaagad ni Kristoff ang sinabi nang makita niyang inuundayan nanaman siya ng palo ng dalaga. Hinihimas himas ng binata ang kanang tainga niya na namumula dahil sa pagkaka-pingot ng dalaga.

“Aray, kuhhh….”, pasimangot na sabi ni Kristoff.

“Buti nga sa’yo. Hmpf! Diyan ka na nga!”, pinatay na ni Jaanisha ang ilaw na nasa dingding malapit sa pinto ng kuwarto niya. Binuksan ang pintuan ng kuwarto ngunit bago pa ito tuluyang makapasok sa kuwarto eh pinigil siya ni Kristoff.

“Jaanisha….”, sambit nito sa mahinang boses habang hawak-hawak nito ang kanang kamay ng dalaga. Hindi nagsalita ang dalaga at naghihintay lamang ng susunod na sasabihin ng binata. Subalit ramdam nito ang matinding kabog sa kaniyang dibdib. Hindi niya alam kung bakit niya ito nararamdaman. Basta ang alam niya’y hindi siya maka kilos at malinaw sa kaniyang isipan ang kagustuhan niyang marinig ang susunod na sasabihin ng binata.

“May sasabihin sana ako sa’yo…”, lumapit ito ng kaunti sa dalaga at naramdaman ni Jaanisha ang mainit na hininga ng binata sa kaniyang balikat. Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ng dalaga at mas lalo pang bumilis ang tibok ng puso nito mula sa pagkakalapit nila. Subalit pinanitili nito ang kaniyang posisyon at hindi parin nilingon ang binata.

Dahan-dahang ipinaharap ng binata ang dalaga sa kaniya. Napasandal ito sa dingding na malapit sa pintuan ng kaniyang kuwarto. Nakayuko ang ulo nito  na para bang ayaw tingalain ang lalaking nasa harapan habang ang katawan ay nagkukubli sa dilim dahil sa pagkakapatay ng ilaw. Nananitiling nakatitig si Kristoff kay Jaanisha habang ang kaliwang kamay nito’y nakadantay sa dingding kung saan nakasandal ang likod ng dalaga.

“Gusto kita Jaanisha, in fact, mahal na nga yata kita…”, sa mahina ngunit malambing nitong boses na para bang sa bawat salitang lumalabas sa bibig nito’y kasabay ng kaniyang pag-hinga.

Mas lalong lumalim ang paghinga ni Jaanisha at ganun din ang binata at napasinghap ito ng haplusin ng binata ang kaniyang pisngi gamit ang kanang kamay ni Kristoff. Pinababa niya ang kaniyang kamay hanggang baba at marahan na iniangat ito.

Nagkatitigan sila, walang anumang tinig ang lumalabas mula sa dalawa at tanging paghinga at malakas na kabog ng dibdib ang iyong maririnig. Subalit ang kanilang mga mata’y nangugusap na para bang may hatid itong mensahe na sila lamang ang nakaka intindi.

“Sorry, hindi ko rin alam kung bakit ko nararamdaman ‘to. Basta ang alam ko, Masaya ako kapag kasama kita, hinahanap kita sa tuwing darating ako ng bahay galing trabaho kahit alam ko naming di kita madadatnan. Inaantay kita sa pagkain tuwing tanghali kasi alam ko uuwi ka nun kahit antok na antok na ako”, pagpapaliwanag nito sa mahina subalit malambing na boses.

“Sorry, hindi ko rin alam kung bakit ako nasa harapan mo ngayon. Ang tanging alam ko lang ay parang sasabog ang dibdib ko ngayong gabi kung hindi ko masasabi sa’yo ang nararamdaman ko. Hindi ko sinasadiyang guluhin ang isipan mo o sirain ang kung ano mang magandang samahan ang meron tayo sa ngayon. Sorry…”, na para bang nalulungkot habang pinapahayag ang kaniyang damdamin sa dalaga. Marahil, maging siya ay naguguluhan din kung bakit siya biglang nagtapat ng nararamdaman ditto.

Pinagmasdan lamang ni Jaanisha ang mukha ni Kristoff na siyang tanging inaabot ng liwanag mula sa nakabukas na pintuan ng kaniyang silid. Muli sanang magsasalita ang binata. Subalit bago pa man ito makapag salita ay nasakop na ng dalaga ang kaniyang mga labi dahilan para maputol ang dapat sana’y kaniyang sasabihin. Nagulat ang binata sa ginawa ng dalaga. Para bang nabato-balani ito’t hindi nakagalaw mula sa pagkakatayo. Nanatiling nakatukod ang kaliwang kamay nito sa dingding samantalang ang dalaga nama’y nakahawak sa magkabilang balikat ng binata habang nakatukod ang mga paa upang maabot ang mga labi nito.

“Mahal din kita….”

Nagkahiwalay mula sa pag-kakahinang ang labi ng dalawa. Kusang kumawala si Jaanisha mula sa paghalik sa binata. Subalit nanatiling magkalapit ang kanilang mukha. Nakatulala parin binata at di makapaniwala sa mga nangyayari. Natauhan ito’t, napapatitig sa nakangiting mukha ng anghel sa kaniyang harapan.

“Mahal kita…”, pag-uulit ng dalaga. Subalit bago pa man ito muling makapagsalita. Ang binata naman ang umangkin sa kaniyang mapupulang mga labi. Sa pagkakataong ito, ang dalaga naman ang nagulat sa ginawa ni Kristoff. Subalit di nagtagal eh gumanti narin ito ng halik. Mabagal, ngunit mainit ang palitan ng halik ng dalawa na para bang magkasintahang matagal na hindi nagkita at punung-puno ng kasabikan sa isa’t-isa.

Natapos ang gabing iyon. Mas lalong nakilala nila Kristoff at Jaanisha ang isa’t isa. Sabay silang nagdarasal sa tuwing kakain at kasamang ipinagdarasal ang mga kaibigan at pamilya ng bawat isa. Gumawa ng mga plano sa hinaharap, pang sandali man o pangmatagalan at nangakong hindi magpapatalo sa kanilang pride para ipaglaban ang kung anong dapat. Magkasama na rin silang dumadalo sa lugar kung saan pinupugay ang panginoon tuwing araw ng Linggo. Nagkaroon sila ng kaniya-kaniyang grupo na kinabibilangan. Mas dumami ang mga kaibigan at higit sa lahat mas lalong tumibay ang paniniwala nila sa kanilang pagmamahalan dahil nilagay nila ang Diyos sa sentro ng relasyon nila.

Naging isang parang panaginip ang love story ng dalawa na biglang nagkatotoo. Hindi dumadaan ang araw na hindi nila nasasabi kung gaano nila kamahal ang isa’t isa. May mga pagkakataon parin na para silang aso at pusa pero hindi nila pinapalagpas ang isang buong araw at magbabati rin sila. Simpleng “sorry na” at “I love you” ang kahinaan nila sa isa’t isa. Ang simpleng “bati na tayo, mimiss na kita” ay parang zonrox na nakakapagpatanggal ng mantsa.

Hindi man perpekto ang relasyon nila gaya nang di ko makuha-kuhang paglalaba. May mga gusot na kailangang plantsahin, mga pekas na kailangang kuskusin at mga bahong kailangang sabunin. Magkakamali at magkakamali sila. Subalit sa bawat pagkamamali ay may aral na natututunan, sa bawat pagtatampo ay may mga bagay silang napagtatanto at sa bawat pag iyak ay ang walang hanggang pag ngiti. Gaya nang mga bituin sa langit na minsa’y natatakpan ng ulap. Patuloy parin itong mag nining ning na sa iba’y hindi mo mahahanap.

~Wakas

Pagbati

Ilang taon na ba ang lumipas? Buwan, linggo, mga araw. Hindi ko na mabilang.  Maraming mga bagong karanasan, mga taong nag-daan. Nasaan na kaya sila? Pasko, maraming mga bata ang nag-aabang nang pagsapit nito. Maging ako man naranasan ko rin isabit ang mediyas ng Tatay ko dahil inaabangan ko ang pagdaan ng karwahe ni Santa Claus para lagyan ito ng mga tsokolate’t laruan. Oo, ginawa ko ‘yun nung kabataan ko, ginawa ko yun bago pa mauso ang sagot na ‘too many to mention’  sa slam-book. Sa tuwing sasapit ang kapaskuhan, parang ang gaan lamang nang lahat. Makikita mong abala ang mga tao subalit makikita mo naman ang kasiglahan sa bawat kilos nila’t reaksiyon sa mukha na kakikitaan mo nang pananabik. Pasko, hindi mo alintana ang nag daan’g unos sa kapalit nitong ngiti ang mga luha’t pighati bigla na lamang napapawi. Kahit panandalian lamang. Pasko.

Gusto kong ipaabot ang aking pag-bati ng Maligayang Pasko sa lahat nang makakbasa nito at pati na rin sa hindi. Sa aking mga kaibigan, maraming salamat at lagi kayong nandiyan. Sa aking mga pamilya, sa Nanay at Tatay ko maraming salamat sa pagmamahal. Sa aking mga naging katrabaho, namimiss ko kayo kahit hindi niyo ramdam. Sa mga naka-daupang palad, nakasalubong, kumaway, tumapik, kumindat, sumisit-sit, tinawag ang pangalan ko, sa mga pilit akong kinikilala at ganun din ako sa kanila. Sa mga x,y,z , nakaharutan – virtual man o personal, sa mga naka ututang dila, nakipag tawanan, nakipagdal dalan nang mga walang kuwentang bagay sa akin, nakadutdutan sa telepeno, tumawa sa mga jokes kong gasgas , nagpatawa sa akin, sinakyan ang trip ko at mga sinakyang trip. Sa mga nakabanggaan ng bote, baso, kutsara at pinggan. Sa mga naging, boss, tinawag at tumawag ng boss, thank you.

Sa mga nataasan ko ng kilay, nataasan ng boses na tumaas din ang kilay sa’ken. Naka tampuhan, naka-away, naka suntukan (tingin ko wala naman), nagpa sama’ ng loob ko dahil napasama’ ko ang loob nila. Sa aking mga nasaktan, napa-iyak ko kung meron man (umiyak din ako kala niyo). Sa mga nag share ng utot at eksperiyensya makakabuti man o hindi sa pananaw at kalusugan Sa mga taong inakala na nakalimot na ako, patawad. Sa inyong lahat, Maraming Salamat at Patawad kung may mga pag-kukulang man ako sa inyo o kung may  nagawaan man ako nang hindi maganda, patawad.

Kung ano man ang ating mga pinag saluhan, ginusto man o sadiyang hindi maiiwasan. Lahat nang iyon, tumatak sa akin at kalianman ay hindi ko malilimutan. (lalo na sa mga nasa blog-gulong ko, namiss ko kayo, pramis). Mananatili kayong parte ko, kahit hindi man ako maging ganuon sa inyo. Ang bawat hibla nang karanasang iyon ang siyang bumuo sa akin. Kung ano man ako ngayon, o kung meron man, ay bunga ng mga yapak ng nakaraan, at parte kayo nun. Maraming Salamat! =)

Green Lantern

Hindi ko siya ganuon kakilala, ni hindi ko nga alam kung ano ang tunay na pangalan niya, edad, sukat, bigat, kung naka PHD ba siya o kung purong pinoy ba ang dugong dumadaloy sa mga ugat niya. Basta isa lang ang alam ko, siya si ‘Kuya Tarbs’.

HIndi ko naisip na gagawa ako ng latha para sa isang taong dito ko lamang sa blogosperyo nakilala. Dahil ang alam ko tanging pamilya ko lamang at mga personal na kaibigan ang maaring humimlay sa bawat pahina ng tahanang ‘to. Pero nagkamali ako, hindi ko alam kung bakit. Basta ang alam ko, gusto kong magsulat. Wala man sa tamang istraktura ang lathang ito. Basta gusto kong magsulat.

Isang mensahe, isang mensahe ang nagpabago ng takbo ng umaga ko ngayong araw ng Sabado ika-24 ng Nobyembre. Isang mensahe na nagpabuntong hininga sa akin at nag pa agos ng tubig ng kalungkutan mula sa hinlalaki ng paa kong may ingrown na dumaan sa mga tigyawat sa aking mukha hanggang sa anit kong dati’y hindi sanay sa gatsby wax.

Sa tuwing maririnig ko ang bansag sa kaniya. Hindi ko alam pero tatlong salita lamang ang pumapasok sa aking isipan. Berde, opisina at barong. Berde ay marahil sa avatar niya. Opisina at barong naman dahil sa isang posteng tungkol sa kababalaghan na nabasa ko mula sa bahay niya, na minsang nasa opisina siya at naglalakad palabas ng building na kaniyang pinapasukan. Tumindig ang kaniyang balahibo ng mapansin niya ang isang lalaking nakabarong at napatawa na lamang siya nang malaman niyang ‘yun pala ay ang kaniyang repleksiyon.

Napapangiti parin ako sa tuwing maalala ko ‘yon. Ako man ay matatakutin din sa multo. Mabilis pa kay Usain Bolt kung tumakbo ang imahinasyon sa aking isipan sa tuwing sasapit na sa akin ang takot sa mga multo. Pero hindi ko naisip na totohanin mo yung pagsusuot ng barong sa repleksiyon mo at sinamahan mo pa ng papapatindig ng mga balahibo ko. Wala naman talaga akong balak magsulat ngayon eh o mag post ng mga latha ko. Balak ko matulog ngayon dahil may pasok pa ako mamayang gabi. Hindi rin naman ganun kalayo ang computer shop mula sa tinitirhan ko. Kaya, titiisin ko na lamang ang matinding sikat ng araw mula sa paglalakad kesa ang palampasin ang pagkakataon na makapag bigay ng respeto sa iyo. Kahit dito man lang.

Pero hindi ko alam, hanggang ngayon eh ramdam ko parin ang bawat bigat ng tibok ng puso ko, hindi ko na rin mabilang kung naka ilang bungtong hininga ako habang tinitipa ko sa keyboard ang artikulong ito para sa’yo. Bumibigat at sumasakit din batok ko, hinahayblad na rin ata ako. Baka bukas mensahe naman tungkol sa akin ang mabasa ninyo. Prayers ko rin ha?😀

Hindi man tayo nakapag batian ng personal o nagka daupang palad man lang. Gusto kong malaman mo na, ‘Kuya Tarbs maraming salamat sa pagiiwan mo ng marka sa buhay ko’. Alam ko korni, ‘di mo rin naman na mababasa ito eh, hindi mo na rin malalaman kung gaano karaming blogista ang nagluluksa ngayon dahil sa pagkawala mo.

Para sa’yo ‘to. Hindi ka namin makakalimutan. Hindi pa naman ito ang huli eh, saglit ka paring papasok sa mga isipan namin. Okay na rin sa paminsan minsang panaginip basta wak mo lang kaming babangungutin ha?😀

Para sa taong minsa’y nagsabi sa aking ”Andito lang ako. Good luck sa iyo at sa anumang iyong pinagkakaabalahan… :D” andito lang din kami lagi para sa’yo Kuya. Maraming Salamat.

 

Kuya Tarbs!!!

Hanggang sa muli! =)

Ingat!

 

Ang una at huli naming mensahe sa isa’t isa. =(

Image

 

Image

TikBoy

Ang liwanag ng buwan. Kasalukuyan naming binabagtas ang daan patungong Sto. Tomas, Pangasinan. Madilim na dilaw na parang may halong kulay asul ang dominanteng buwan na tila baga nagpapahiwatig ng pagdadalamhati sa hatid nitong liwanag. Maganda, malaking bolang bilog na dilaw sa kalangitan. Subalit kung pagmamasdang maige ay parang napakalungkot nito’t tumatangis na kasabay na hinahawi ng nagdaraang mga ulap.

“Ina… wadiya ak la!” [Ina… nandito na ako] sigaw ng isang malaking mama na may malaking boses na akala mo’y hinuhugot mula sa kailaliman ng lupa. “Wadiya’y Uncle Boy” [Nandito si Uncle Boy] ang lagi naming sinasabing mag-pipinsan sa tuwing maririnig na namin ang dumadagundong na boses niyang yun. Bless kaming lahat, lahat kaming mag pipinsan bumabati at nagbibigay galang. “Uncle Boy!” “Ui, si Uncle Boy” “Ni, wadiyay Uncle Boy!” [Oh, nandito si Uncle Boy], pati mga kapatid niya napapalabas ng kaniya-kaniyang bahay sa tuwing dumarating siya. Ganun siya ka dominante. Daig pa niyang Mayor sa tuwing dadalaw siya amin.

Bago yan bumisita sa amin, tatawag muna yan. “Oh, ni umpasyar ak dita’y Lunes, ditan ak mangugto” [Oh, papasyal ako diyan sa Lunes ha? Diyan ako manananghalian]. Ipagluluto siya ng mga nakababatang kapatid niyang lalaki sa tuwing malalaman nilang dadalaw ang kanilang panganay na kuya na si Uncle Boy sa bahay. Hindi naman ganun ka espesyal, simpleng kainan at kung minsan ay munting salu-salo. Subalit makikita at mararamdaman mo ang mainit na pagtanggap sa kaniya ng mga tao doon. Hindi lamang ng mga kamag-anak subalit pati narin ng mga iba naming ka bario.

Hindi man namin siya madalas nanakakasama, subalit pinaparamdam naman niya na lagi siyang andiyan para sa amin. Siya lagi ang tinatawag kung nag kakaroon ng gusot sa pamilya, kung kailangang hingan ng payo at kung kailangan ang kaniyang mga koneksyon para maayos ang isang problema. Hindi siya mayaman, hindi rin siya ma-impluwensiyang tao subalit marunong siyang makipag-kaptwa tao. Hindi rin siya Diyos, pero kaya niyang balansehin ang mga bagay-bagay at pagsamahin ang dalawang kulay na pula at puti sa aming pamilya.

Kumbaga eh para siyang, si FPJ at gaya ni “Da King” may mga linya din siyang di namin makakalimutan. “Manaral kan maong” [mag-aral kang mabuti], “Akin? mangasawa ka la? Ag kani manga asawa ta untulong kani’d sara’y ateng mo. Ta sika’y baleg ya makatulong ed sikara. Neng neng mo paya’y irap na bilay ay” [Ba’t mag-aasawa ka na? Huwag ka munang mag asawa at ikaw ang tutulong sa mga magulang mo. At ikaw ang malaking makakatulong sa kanila. Tignan mo nga ‘tong hirap ng buhay], “Dengel mo ra’y ibabaga nen nanay tan si tatay mo ta pang-ka maungan mo tan” [Pakinggan mo ang sinasabi sa’yo ng nanay at tatay mo dahil ikakabuti mo yan], “Akin R**? Ay, antuta’y lasi??!! Anto’y nagagawam?!” [Bakit R**? Ano yan??!! Ano yang nangyayari sa’yo?!], “Agka mapaga siya’k su akauley! Niya, tawagan mo ta siya’k su mitungtong” [Huwang kang mag alala, ako’ng bahala. Ito, tawagan mo’t ako ang makikipag usap.] “Sika N** agka masyado’n nerbyoso. Akin siyak ey? Aliwa ak ya matakot nen saman.” [Ikaw N** ‘wag ka masyadong nerboyoso. Ba’t ako nuon, di naman ako matatakutin.], “Oh, neh, wala’y galaw nen Claude nabwas ya alas dos” [Oh, may laro si Claude bukas ng alas dos] at marami pang iba.

Pero walang tatalo sa, “Ina anda pa ta’y singkuwenta yo ay ta iyarum ko’d pamasahe’k pasempet” [Ina, penge nga ng singkuwenta niyo’t idarag-dag ko sa aking pamasahe pauwe] “N** anda pa ta’y sanlasus mo ay ta ipamasahek pasempet” [N** akin na nga yang isang daan mo’t pamasahe ko pauwe] “Ni, unla ak ditan, ipawil yo’y pamasahe’k balet ah?” [Oh, pupunta ako diyan, pero balik niyo pamasahe ko ha?] “Niyan kaka-pasahe ak ya im marap diya ay” [Itong pamasahe lang ang dala kong pumunta rito] “Ay, anggapo’y pamasahe’k” [Wala akong pamasahe]. Hahaha! walang tatalo sa linyang yan.

Kailan kaya namin muling maririnig ang mala Dr. Love mong boses, ang mga sermon mong minsa’y nagpaiyak samin at nagpatawa, mga pagtawa mo, ang pagkanta mo ng walang kamatayang My Way at Engelbert Humperdinck songs. Wala nang tatawag para mangamusta at mag a-update ng mga schedule ng laro ni Claude. Wala nang mang hihingi ng pamasahe kahit na araw-araw ka namang naka UNLICALL, ibang klase. Ngayon palang namimiss ka na namin. Hindi ko mapigilang maiyak habang sinusulat ko ito, hanggang dito ba naman? Aaalahanin namin lahat ng mga sinabi mo, mga pangaral. Nasaan ka man, darating ang araw isa samin ipagmamalaki mo na nagkaroon ng dugong “CUBO”. Hindi ka namin malilimutan, mahal na mahal ka namin, Uncle Boy.

****Huminto ang aming sinasakyan, bumaba kami at kami’y sinalubong ng iba naming mga kamag-anak.

Lampara

Bakit may mga taong mas pinipiling mabuhay sa kasinungalingan kesa harapin ang katotohanan? Bakit mas pinipili nilang maglakad sa dilim kahit alam nilang anumang oras ay maari silang matisod at masaktan? Bakit sa kabila ng malaking katotohanan sa kanilang isipan ay niloloko parin nila ang kanilang mga sarili at pinipilit ang isang bagay na “puwede” kahit hindi naman talaga? Bakit nga ba? Ikaw may sagot ka ba?

Minsan tuloy naisip ko na baka sa dilim ay mahahanap ang isang liwanag, liwanag na kahit na ang haring araw ay hindi kayang ibigay. O ‘di kaya nama’y kalayaan na kahit ang kalapating sumsimbolo nito’y di mapapantayan. Mga bagay na akala nati’y makikita lamang natin kapag naiilawan ang ating mga mata, mga bagay na akala nati’y sa liwanag lamang natin makikita. Gaya ng ngiti, tuwa at kasiyahan.

Subalit bakit nga ba ganon? Alam naman na nilang mali, pero bakit parin nila ginagawa? Kelan nga ba naging mali ang tama at kelan din naman naging tama ang mali? Anggulo!!! nakakasakit ng ulo! Pero sa kabila ng lawak ng katanungang ito’y may mga tao parin namang naiintindihan sila. Handang umunawa at sakyan ang kasalukuyang sitwasyon. Sadiya nga bang tanggap na ito ng lipunan o parte na rin ng ating kultura?

Sabi nila kapag nadapa ka’t nagkamali, bumagon ka at itama ang lahat. Pagkakamali daw ang humuhubog sa pagktao ng isang nilalang. Sa pagkakamali mo rin daw makikita ang kasagutang tama. Ibig sabihin ba nito’y kailangang magkamali ka muna bago mo lubusang maunawaan sa kung ano ang tama at sa kung ano ba talaga ang mali? Kaya nga ba maraming taong nagkakamali?

Nasubukan ko na ring magkamali, hindi lang minsan, hindi lang sampung beses. Kukulangin ang pinagsamang bilang ng daliri mo sa kamay at paa para bilangin ang pagkakamaling nagawa ko simula nang ako’y nabubuhay. Kahit pagpatong patungin mo pa ang bilang nito ng sampung ulit, kulang pa rin. Sa di mabilang na pagkakamaling nagawa ko sa aking buhay. May natutunan ba ako? Hindi ko alam, hindi ko masasabi, maaring meron, maari ring sabihin kong wala. Minsan pa nga’y nakakagawa parin ako ng mga parehas na pagkakamali, hanggang sa umulit nang umulit ng umulit nang umulit.

Ewan ko ba, kung bakit ganon’? Hindi naman ako tanga, o di ko naman masabing tanga ako, tanga nga ba talaga ako? Madalas kasi akong magpadala sa aking nararamdaman kaya minsan nasisira ang diskarte, gumuguho ang istraktura ng isang bagay na naplano na at nakakagawa ng isang desisyong hindi pinag isipan. Bakit kaya ganon no? Alam mo na ngang mali, sige ka parin. Alam mo na ang kahahantungan ng mga ginagawa mo, pero bakit mo parin pinagpapatuloy?

Haaaaay. Ikaw, oo ikaw nga, nakagawa ka naman na siguro ng pagkakamali ano? Nakailan ka na? Naka ilang tama ka na rin sa tingin mo? Mabibilang mo ba? Masasabi mo rin bang natuto ka sa bawat pagkakamaling iyong nagawa? Nakagawa ba ito ng mabuti sa iyong buhay? O isa ka rin samin na naghahanap ng sagot sa maraming katanungang, mali?

Sakbong…

May mga tao talagang nagkukulong sa mundong naka-sanayan na, sa mga bagay na naka-gawian na nilang gawin at natatakot nang sumubok nang pagbabago. Mahirap man silang intindihin minsan, kelangan nating maunawaan na lahat ng kaganapan ay may dahilan. May dahilan kung bakit sila nagkukulong sa kanilang mundo at kung bakit ganuon na lamang ang pananaw nila sa buhay. Maaring dala ng sariling karanasan, nasaksihan sa paligid, kaibigan o kapamilya o di kaya nama’y dala nang impluwensiya nang mga kaibigang may mapait na karanasan sa iba’t-ibang aspeto nang pagiging ganap na tao.

Dahil diyan, sila na mismo ang nagkukulong sa kanilang mga sarili at sila na mismo ang nagse-set ng barrier sa maraming bagay. Natatakot silang subukan ang mga bagay-bagay dahil natatakot silang masaktan o di kaya’y matalo sa laro ng buhay. (Kung sa tingin ninyo buhay pag-ibig ang tinutukoy ko, nagkakamali ka. Hindi lamang puro pag-ibig ang pinag-uusapan dito, kundi ang kabuoan nang pagiging isang ganap na tao) Natatakot silang lumabas, humakbang palayo mula sa kuwadradong linyang nagkukulong sa kanilang pagkatao. Dahil iniisip nila na baka sa kanilang paglabas ay katakot-takot na pasakit at pagdurusa ang kanilang maramdaman. Bakit? dahil nakabalot sila sa supot ng pag-aalinlangan.

Naalala ko pa yung sinabi sakin nang una kong karanasan “Wala kang mararating kung hindi ka lalakad.” na dinugtungan nang aking matalik na kaibigan “hindi ka hahatulan ng mundo sa nasa loob mo, at kung mangyari yun, sow wat?.=), basta totoo tau lagi..” Taaaaammmaaaaa..! ika nga ni Anne Curtis at tama nga naman talaga sila. Dahil wala naman silang ibang hangad kundi ang ikakabuti mo, bakit ulit? dahil kaibigan mo sila.

Hindi naman natin sila masisisi kung bakit ganuon na lamang sila kung mag-isip, kung bakit ganun na lamang nila pangunahan ang mga bagay na di pa nang yayari o mangyayari pa lamang. Hindi naman kasi tayo pare-pareho ng personalidad, hindi naman kasi tayo ang makakaramdam ng sakit sa bandang huli at hindi tayo ang nakakaramdam ng takot. Takot na sumisira sa ating diskarte. Naguguluhan ka na ba kung anu ba talaga ang pinu-punto ko? Gusto ko lamang maging makatarungan ang posteng ito sa bawat mambabasa.

Ang ganang akin lamang, hindi naman natin kontrolado ang bawat pangyayari sa ating buhay, lalo na ang mga taong ating nakikilala sa araw-araw. Dahil ang totoo, lahat naman ng tao sasaktan tayo, kailangan lamang nating humanap ng isang karapat-dapat para sa ating mga pasakit. Kaya kung may dumating na pagkakataon sa ating buhay, subukan nating pakinggan ang ating mga puso at subukang intindihin ang bawat tinitibok nito. Kung hindi man magbunga ng maganda sa bandang huli, huwag mong pag-sisihan. Masasabihan ka naman ng “at least you’ve tried =)”

Ipagpatuloy ang buhay, gawin ang mga nakagawian na. Gumawa ka man ng mga pagbabago, siguraduhin mong makakatulong ito para sa ikauunlad ng iyong pagkatao.


[Gusto ko lamang magkaroon ng pansalamantalang pormal na pamamaalam. Lagi na lamang kasi akong nawawala ng walang pasabi. At least ngayon, me pasabi na. hehehe. Nahihiya na kasi ako meron parin naman ako ng ganun, kala niyo sa mga komentong hindi ko natutugunan. Sa mga nagkomento sa mga poste ko’ng emo. Maraming Salamat ng marami? hahaha. Hindi ko alam kung hanggang kailan, pero sana sag’let lang itong pag iinarteng nararamdaman ko. Hindi naman pag iinarte talaga eh, pag iinarte lang. hahaha. Sa mga naging kaibigan ko, naging mabuting kaigiban, naging matalik na kaibigan, naging boypren, gelpren, nakaharutan, nakalandian at sa lahat ng mga nakapalitan ko ng makukulit ng komento. Maraming Salamat sa inyo, madami akong natutunan sa inyo,lalo na sa mga poste niyo at mga payo, maraming salamat. Hindi na ako magbabanggit pa ng pangalan, kung natamaan ka ikaw yun! Tama ikaw! Aylabyu! hahaha. At sa mga hindi naman, Maraming Salamat parin, sa pagbisita at pag-babasa ng mga paskil sa aking munting Bahay-Cubo. Gusto ko sa aking pagbabalik ‘di na ako mabansagang “Prinsipe ng Drama” o ng mga “Emo”. Gusto ko ibang chebiii ang masaksihan niyo, hindi yung puro na lang emo. Senyong lahat, Maraming Salamat! Mag-iingat lage at Patnubayan nawa tayo lahat ng Maykapal! /wink]