Luha ay ang lumalabas na likido mula sa glandula ng luha. Dumadaloy itong pababa habang nasa ibabaw ng mata o buliga (buong mata), na nagdurulot ng pamamasa ng mata, at dumadaloy din sa talukap ng mata. Ayon kay Kumpareng Wiki ang naturang depinisyon na iyan. Subalit yan nga ba talaga ang tunay na depinisyon ng salitang “luha”? Maaring sa literal oo, pero hindi ba’t emosyon ang dahilan kung bakit tayo lumuluha? Emosyon na nagpapabago-bago na gaya ng panahon…
Maging ang pag-luha ay may kaniya-kaniya ding klasipikasyon. May luhang tinatawag nilang mababaw lamang, meron din naman yung luhang may malalim na pinanggagalingan. Merong galing sa labis na kagalakan at meron din namang dulot ng hinagpis at kapighatian. Maraming kaganapan din sa ating buhay ang maaring maging sanhi nito, break-up ng magsyota, pagkadapa dahil sa katangahan, pagkanakaw ng di pa nanababayarang cellphone, pagkasipa sa trabaho, pagkapanalo sa sweepstakes o dikaya nama’y pagka-wala ng mahal sa buhay. Bawat detalye, kurba at pangyayari ay may kontribusyon kung bakit tayo lumuluha.
May kaniya-kaniya mang klasipikasyon, dahilan at pinanghuhugutan ang ating pag-luha. Iisa lamang ang ibig sabihin nito, ang pag-luha ay karapatan ng bawat nilalang. Karapatan natin ito buhat ng tayo ay isilang sa mundo. Walang makaka-agaw, walang sino man ang maaring pumigil. Malaya tayong ilabas ang ating emosyon, kalungkutan man yan o kasiyahan. Malaya tayong ilabas ang ating mga saloobin na nagpapabigat ng ating nararamdaman. Malaya tayo, gaya ng mga ibon sa papawirin, gaya ng mga isda sa karagatan at gaya ng pagtakbo ng usa sa kakahuyan.